Ipinag-utos ng House Committee on Good Government and Public Accountability na patawan ng contempt ang anim na opisyal ng Ilocos Norte.
Inihain ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang mosyon para ma-cite in contempt ang anim matapos umano silang magpalusot sa kanyang mga tanong ukol sa pagbili ng Ilocos Norte LGU ng mini cab noong 2011, gamit ang 66.4 milyong pisong pondo galing sa tobacco excise tax.
Kabilang sa mga na-cite in contempt sina Bids and Awards Committee Chairman Ilocos Norte Engr. Pedro Agcaoili, Provincial Treasurer Josephine Calajate, Accountant Edna Battulayan, Provincial Budget Officer Evangeline Tabulog at dalawang empleyado na sina Encarnacion Gaor at Genedine Jambaro.
Pansamantalang idedetine ang anim sa holding area ng Kamara hangga’t hindi nila nililinaw ang isyu.
Samantala, inaprubahan din ng komite ang mosyon para i-subpoena sa imbestigasyon si Ilocos Norte Governor Imee Marcos dahil tatlong beses na itong hindi sumisipot sa mga pagdinig.