Wika ng mga baguhan at mga datihang pulitiko, hindi biro ang pagkandidato sa alinmang posisyon sa halalang lokal o nasyonal man dahil hindi biro ang paghahandang ginagawa ng bawat kandidato sa tuwing sumasapit ang panahon ng halalan.
Hindi lamang ang katawan at isipan ng mga kandidato ang dapat na ihanda, kundi maging ang kani-kanilang mga tauhang sasama sa kanila sa pagtungo sa kanilang mga balwarte upang humingi ng suporta sa bawat botante na kanilang lalapitan.
Kung ang kandidato ay tatakbo sa mataas na posisyon na tulad ng pagkapangulo, pangalawang pagkapangulo at pagkasenador, kailangang malawak ang kanyang political machinery gayundin ang pakikisama sa mga gobernador, mga alkalde at mga kapitan ng barangay.
Sa puntong ito ay kailangan ng national candidate ang mga coordinator sa bawat lalawigan, bayan at lunsod. Ang mga coordinator ang makikipag-ugnayan sa mga local executive anuman ang kulay o partido na hawak ng kandidato.
Ang mga kandidatong lokal naman mula sa gobernador ay kailangang maraming alkalde na kasangga dahil ang mga iyon ang magbibigay ng maraming boto sa mapipisil na kandidato sa pagkagobernador. Ang mga kandidatong alkalde naman ay kailangang maraming barangay
captain na kaalyado para masegurong marami siyang botong makukuha.
Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay ang badyet ng bawat kandidato. Kaya nga sinabi ng mga beteranong politician na hindi biro ang maging kandidato, lalo na kung kakaunti lamang ang pondong salapi ng political candidate.
Dahil nakadikit na sa kulturang Pinoy ang bilihan at bentahan ng boto tuwing panahon ng eleksiyon, ito ang pinaghahandaan ng mga kandidatong masalapi. Ang mga botanteng walang pakialam sa mundo ay naghihintay lamang ng tiyempo at ang panahon ng eleksiyon
ang pinakaaabangan nilang ‘big event’ dahil sa panahong ito lamang sila nakikinabang sa mga pulitiko.
Hindi isahan ang pagbili ng boto kundi pami-pamilya. Iyan ang maruming kalakaran tuwing panahon ng halalan. Kung sino ang kandidatong mayaman o masalapi ay malaki ang tiyansa niyang magwagi sa eleksiyon.
Kaya huwag magtaka kung bakit hindi makausad sa kahirapan ang karamihan sa ating mga kababayan dahil nagluluklok ang mga botante ng mga kandidatong wala sa puso ang tunay na paglilingkod sa bayan, kundi naglilingkod lamang sila para sa sarili nilang mga
tiyan at hindi sa bayan.
Sa ganang amin, hindi biro ang maghalal ng mga karapat-dapat na kandidatong magsisiugit sa ating pamahalaan dahil ilan lang ang karapat-dapat samantalang marami ang nagnanais na maluklok sa poder para lamang magkaroon ng kapangyarihan at gamitin ang kapangyarihang
hiram para sa sarili nilang kapakanan.