Opisyal na ang pahayag mula sa Malakanyang na tatanggihan na ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong- pinansiyal mula sa European Union (EU), na may kaakibat na mga kondisyong nakikialam sa pagpapatakbo ng bansa tulad ng paglalahad ng mga bagay-bagay tungkol sa giyera kontra-iligal na droga, partikular ang may kinalaman sa extra judicial killings (EJKs). Nababahala raw kasi ang EU sa diumano’y state sponsored na paglikida sa mga taong pinaniniwalaang may kaugnayan sa pangangalakal ng iligal na droga. Sa pananaw ng ating pangulo ay tahasang pakikialam ito ng mga banyaga sa pagpapatakbo ng isang malayang bansa, kung kaya marapat na tanggihan.
Sang-ayon ako sa polisiyang ito ng ating pamahalaan. Matagal na tayong malaya sa pananakop ng mga banyaga subalit hanggang sa kasalukuyan ay pinakikialaman pa rin nila tayo. Sinasamantala nila ang ating kakulangan sa pinansiyal, kung kaya nagkukunwari silang nagbibigay ng financial aids o monetary grants subalit sa likod nito ay mga kondisyong tuwirang pakikialam sa pagpapatakbo ng mahahalagang programa sa bansa. Pinipilit ng mga banyagang ito na pairalin sa ating bansa ang mga umiiral na programa at polisiya sa kanilang bansa. Mali ito sapagkat magkaibang-magkaiba ang ating mga kultura.
Ang mga tukoy na mahihilig makialam sa malayang pamamahala ng ating bansa ay ang United States of America (USA) at ilang bansang kasali sa EU. Ito ang tinatawag na Western influence na hango sa daang taong pananakop nila sa maraming bansa at teritoryo sa Asya. Napilitan silang bitawan at lisanin ang pananakop sa mga lugar na iyon dahil sa pag-aaklas ng mga tao na hangad ang kalayaan. Subalit hindi tuluyang bumitiw ang mga banyaga sapagkat nag-isip sila ng mga paraan kung papaano pa rin makikialam. Pangunahin sa pamamaraan ng pakikialam ay ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal na may kasamang mga kondisyong dapat tuparin ng bansang tumatanggap nito. Sa totoo lamang ay maraming diumano’y tulong na mas malaki ang pakinabang sa mga banyaga. Halimbawa ay ang kondisyong hindi na kailangan ang travel visa kapag mga nasasakupan nila ang papasok sa ating bansa. Pero kapag mga Pilipino ang pupunta sa Europa, napakahirap kumuha ng travel visa para rito.
Gumaganda na ang ating ekonomiya at unti-unti’y nakatatayo tayo sa ating sariling mga paa. Hindi tayo sa nagmamalaki subalit kung gusto tayong tulungan ng mga banyaga ay gawin nila ito nang may paggalang sa ating pagiging malayang bansa.
Tapos na ang panahon ng pananakop at kolonyalismo.