Nitong unang bahagi ng buwan ng Mayo, nagsagawa ng pulong ang mga Gabinete ni Pangulong Duterte. Doon ay tinalakay at pinagtibay ang mungkahi ni Department of Agriculture (DA) Secretaryna palitan ang pangalan ng Benham Rise at gawin itong Philippine Rise, bilang tanda na ang underwater plateau ay pag-aari ng Pilipinas.
Hinimok din ni Secretary Piñol ang publiko na gamitin ang katawagang Philippine Rise mula sa dating pangalan nitong Benham Rise.
Ayon kay Piñol, mahalagang maitatak sa kasaysayan na ito ay bahagi ng ating territorial waters at wala nang iba pa na maaaring mag-claim nito.
Matatandaang kasama si Piñol sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naglayag sa Philippine Rise. Nakatagpo ng grupo ni Piñol ang ilang mangingisdang Pilipino na ilang araw nang nangingisda sa lugar. Nakapanayam ni Piñol at ng mga kagawad ng media ang isang grupo ng mga mangingisda sa naturang lugar.
Napag-alaman nila na tatlong araw nang namamalagi sa lugar ang naturang mga mangingisda. Ipinakita pa ng mga mangingisda ang huli nilang malalaking yellow fin tuna.
Noon napagtanto ni Piñol, na hindi pa napapanahong minahin ang yamang mineral na nakaimbak sa kailaliman ng Philippine Rise kaya sa halip aniyang oil exploration, dapat na ilaan sa food production ng Pilipinas ang mga yamang-dagat na nahuhuli sa naturang karagatan.
Ayon sa marine law expert na si Jay Batongbacal, hindi lang mayaman sa lamang-dagat ang Benham Rise, kundi mayaman din ito sa natural gas at iba pang resources tulad ng heavy metals.
Ayon pa kay Piñol, bukod sa pagpapalit ng pangalan ng Benham Rise, dapat din itong ideklarang Philippine Rise as Protected Food Supply Exclusive Zone, nang sa gayon ay hindi mapakialaman ng mga dayuhan ang yamang-tubig ng lugar na ito dahil darating ang panahon na ang mga bansa sa mundo ay hahantong sa malaking pangangailangan sa pagkain.
Kung nariyan umano ang Philippine Rise, na malaya nating mapangingisdaan, hindi kakapusin sa suplay na isda at iba pang marine products ang ating mga kababayan dahil may malawak na pangisdaan tayong mapagkukunan ng pagkain.
Dagdag pa ni Piñol, inaprubahan na rin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mungkahing magtayo ang pamahalaan ng pasilidad sa pinakamababaw na bahagi ng Phl Rise na tatawaging Benham Bank, kasama na rito ang pagtatayo ng malaking cold storage na pag-iimbakan ng mga huling isda at bilang patunay na rin na ang rehiyon ay mayaman sa lamang dagat tulad ng mga yellow fin tuna at iba pa.