MAGANDA ang plano ng ating pamahalaan na pagtatayo ng naval base sa Casiguran, Aurora, kung saan ay malapit ang lugar sa Benham Rise dahil kailangang nababantayan ang underwater plateau na hitik sa yamang-mineral at mga lamang-dagat na lubhang mahalaga para sa food production ng ating bansa.
Kamakailan ay idinaos sa beach ng Casiguran ang Phl-US Balikatan Joint Military Exercises. Ang Benham Rise, na kinikilala ngayong Philippine Rise ay taglay ang mayamang fishing grounds, na roon matatagpuan ang mga mamahaling isda tulad ng Pacific bluefin tuna na tumitimbang ng 500 hanggang 1,000 kilos kapag nasa hustong gulang.
Kaya takam na takam ang mga dayuhang commercial fishermen na makapangisda sa lugar na iyon dahil sa marine products na taglay ng Benham Rise. Una nang nagpakita ng interes ang China sa Benham Rise matapos ang ilang beses na pagsasagawa ng survey sa 1.3 kilometrong ‘submerged shelf’ sa pagitan ng karagatan ng Aurora at Isabela sa Northern Luzon sa lugar ng naturang underwater plateau.
Ang mga Pilipinong angler ay tiniyak na maraming blue marlin, sailfish at iba pang malalaking isda na nahuhuli sa bingwit sa Philippine Rise, kaya natuwa sila nang mabalitaan na regular nang papatrulyahan ng Philippine Navy (PN) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lugar.
Sa kasalukuyan, detachment pa lamang ang hinihimpilan ng mga barko ng Navy sa naval operating base sa Casiguran, Aurora. Kaya kung maitatayo sa lalong madaling panahon ang base nabal sa naturang lalawigan ay madali nang makapagre-refuel ang mga barko ng Navy na magpapatrulya sa Philippine Rise.
Sabi nga ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol, makabubuting huwag nang magsagawa ng oil exploration sa Philippine Rise at sa halip ay ireserba ang yamang-tubig nito para sa food production ng Pilipinas.
Napakalawak ng mga lugar na pangisdaan sa Philippine Rise, kaya hindi dapat na makapanghimasok ang mga dayuhan sa napakayamang pangisdaan na sakop ng ating territorial waters.