Bukod sa nakamamatay na sakit na dengue na kasalukuyang nananalasa sa buong bansa at bumibiktima hindi lamang sa mga bata kundi maging sa matatanda, may dalawang infectious disease pang pinag-iingat ang publiko dahil sa mabilis na pagkalat ng mga sakit
na ito.
Batay sa ulat ng Department of Health (DOH), tumataas umano ang kaso ng influenza (trangkaso) at hand foot and mouth disease (HFMD) sa bansa. Dahil sa babalang ito, pinagiingat ngayon ng DOH ang publiko at dapat na panatilihing malakas ang immune system
upang hindi kapitan ng nasabing mga karamdaman.
Sa tala ng DOH, tumaas sa 1.7% o kabuuang 73,100 ang naitalang kaso ng influenza light illness ngayong taon. Napag-alaman na karamihan sa mga biktima ay mula sa mga Rehiyon 10, 12 at CALABARZON.
Lumobo naman sa halos 2,000 ang tinamaan ng HFMD kumpara sa mahigit 300 lamang na kaso sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Karamihan sa mga biktima ng HFMD ay mula sa Region 7 at Metro Manila.
Dahil sa dumaraming kaso ng nasabing mga sakit, hinimok ng DOH ang publiko na magpaturok ng influenza vaccine upang maiwasan ang pagkakaroon ng trangkaso na uso ngayong panahon ng amihan.
Tungkol naman sa sakit na HFMD, wala pa umanong gamot laban sa sakit na ito kaya mas mahalagang palagiing malinis sa katawan, iwasan ang pagpupuyat at labis na pagpapagod upang hindi humina ang resistensiya at higit sa lahat, kumain ng masusustansiyang
pagkain upang hindi kapitan ng anumang karamdaman, ayon sa mga dalubhasa.