PINAS

Duterte, nagdeklara ng Martial Law sa Mindanao

Nagdeklara ng Martial Law si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Kaugnay ito ng bakbakan sa pagitan ng militar at Maute Group sa Marawi.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, may batayan ang deklarasyon ng batas militar dahil sa rebelyong nangyayari sa Mindanao.

Epektibo ang batas militar sa loob ng animnapung araw.

Paliwanag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kaya’t buong mindanao na ang isinailalim sa Martial Law dahil sa mga problema sa Sulu, Zamboanga, Central Mindanao at Davao.

Ang Maute ang nasa likod ng mga panununog sa ilang establisyimento sa Marawi.

Walang spillover sa bakbakan vs Maute sa Marawi

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang mangyayaring spillover sa bakbakan sa pagitan ng militar at ng Maute Group sa Marawi City.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command Chief Lieutenant General Carlito Galvez, Jr., sinusubukan nilang i-contain ang nasa walumpung miyembro ng nasabing grupo.

Normal pa naman aniya ang sitwasyon sa labas ng Marawi.

Tinutugis umano ng militar ang Maute Group sa tatlong pangunahing lugar pero hindi na ito nagdetalye pa.

Tiniyak din ni Galvez na nakikipag-ugnayan sila sa gobernador ng Lanao Del Sur at sa alkalde ng Marawi City kahit noong hindi pa idinedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.

Walang maaabusong kapangyarihan 

Ayon pa sa AFP na hindi nila aabusuhin ang kapangyarihan matapos ang deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Ayon kay AFP Public Affairs Chief Colonel Edgardo Arevalo, hindi mga mamamayan ang target sa nasabing batas militar.

Itinanggi rin ni Arevalo na may ‘failure of intelligence’ dahil sa hindi naman naaresto si Isnilon hapilon na pinaniniwalaang lider ng ISIS sa timog-silangang asya.

 PNP sa publiko: ‘Wag magpakalat ng maling impormasyon

Handa ang Philippine National Police (PNP) na ideploy ang kanilang hanay para tulungan ang militar kontra sa Maute Group.

Pero sa isang pulong balitaan, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos na humuhupa na ang gulo sa Marawi City.

Dagdag pa ni Carlos, wala silang natatanggap na report na may napugutan ng ulo o may na-hostage sa gitna ng bakbakan ng militar at ng Maute Group.

Nilinaw rin ni Carlos na hindi isis ang maute dahil sa hindi ito kinikilala ng international terrorist group.

Umapela naman si Carlos sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa social media para maiwasan ang takot at kalituhan.

 Martial Law sa Mindanao, suportado ng DFA

Suportado naman ng Department of Foreign Affairs (DFA)  ang pagdedeklara ng Martial Law sa buong Mindanao.

Sa isang statement, sinabi ng DFA na ginawa ito para masawata ang karahasan, rebelyon, at para matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Tiniyak din ng DFA na nasa kontrol ng gobyerno ang sitwasyon.

Ipinunto rin ng DFA na alam ng gobyerno ang kapasidad ng Maute Group na manggulo.