Kailangang unahin ang pag-ani sa mga yamang-tubig ng Benham Rise o Philippine Rise bago magsagawa ng oil exploration sa 13-milyong ektaryang underwater plateau sa Dagat Pasipiko na sakop ng ating teritoryo.
Una nang natuklasan ng mga marine biologist ang yamang taglay ng Philippine Rise at ang malalawak na bahurang pinamamahayan ng iba’t ibang uri ng mga isda tulad ng blue at yellow fin tuna, mga mamahaling isdang pangkomersiyo. Dahil sa lawak ng Philippine Rise, pag-aaralan pa ng mga researcher ang iba pang marine life na hindi pa natutuklasan sa naturang lugar.
Ayon sa mga kababayan natin sa Infanta, Quezon, maging ang mga mamamayan ng Lalawigan ng Aurora, sa Central Luzon, mahalaga anilang mapangalagaan ang yamang taglay ng Philippine Rise.
Ang Bayan ng Infanta at ang Aurora ay mga kalupaan sa Luzon na malapit sa Philippine Rise. May mga mangingisda sa naturang mga lalawigan na dumadayo sa Philippine Rise dahil sa iba’t ibang uri ng malalaking isdang nalalambat ng mga mangingisda, lalo na ngayong panahon ng tag-araw na hindi masyadong malalaki ang alon sa Karagatang Pasipiko.
Napag-alaman na kailangang malalaking bangkang pangisda ang gagamitin sa lugar na naturan, kung saan ang distansiyang lalakbayin ng motorboat para marating ang Philippine Rise ay aabot ng nasa mahigit 200 kilometro.