Hindi mawawala sa almusal ang pagkain ng itlog pero alam n’yo ba na dapat malimitahan lamang ang pagkain ng itlog dahil ito ay mayaman sa protina, vitamin B12, vitamin D, riboflavin at folate?
Mabuti sa katawan ang mga sustansiyang taglay ng itlog ngunit nakasasama naman kapag labis ang pagkain nito.
Base sa payo ng mga duktor ng American Heart Association at Philippine Heart Association, ang isang itlog ay may 213 milligrams ng kolesterol ang pula nito. Mataas ito sa kolesterol dahil ang rekomendasyon ng American Heart Association ay huwag kumain nang lampas sa 300 milligrams ng kolesterol sa isang araw.
Ayon sa pagsusuri, ang pagkain ng lampas sa 1 itlog sa isang araw ay puwedeng magdulot ng bara sa ugat ng puso at panghihina ng puso.
Kung ikaw ay malusog, walang sakit sa puso, diabetes o problema sa kolesterol, puwede kang kumain ng 1 itlog sa isang araw. Mag-ingat lang sa mga kasamang pagkain ng itlog tulad ng hotdog, bacon at tocino. Piliin ang boiled egg kaysa sa pritong itlog.
Kung ikaw naman ay may sakit sa puso, diabetes o mataas ang kolesterol, kailangang limitahan mo ang pagkain ng itlog sa 3 itlog lang sa isang linggo. Kung gusto mong kumain ng itlog, mas mabuti ang puti ng itlog na lang ang kainin at huwag na ang pula o egg yolk. Nasa egg yolk kasi ang kolesterol.
Kailangan ng katawan ay balanse ang diyeta, kaya naman kailangang ding kumain ng mga gulay, prutas at isda na makapagbibigay nang sapat na sustansiyang kailangan ng katawan.
Kahit ano’ng bagay ay dapat hinay-hinay lang ang pagkain dahil kapag sinobrahan mo ang isang bagay ay maaari itong makasama sa iyong katawan.