PINAS

Kimerald, hindi na kayang makipagsabayan sa primetime  

Pinas News

MARAMI ang nagtatanong kung bakit daw sa umaga, before “It’s Showtime,” ang timeslot ng bagong tandem nina Kim Chiu at Gerald Anderson na “Ikaw Lang Ang Iibigin.” Tanong pa ng Kimerald fans, eksperimento raw ba ito ng ABS-CBN sa dating prince at princess ng primetime teleserye?

Almost five years ang hinintay ng fans ng dalawa sa kanilang balik-tambalan kaya hindi maalis sa kanila ang manibago, lalo’t lahat ng past TV projects nina Kim at Gerald ay puro pang-primetime. Hindi rin maikakaila na lahat ng movies ng dalawa ay puro box-office hit.

Ayon pa sa ilang Kimerald fans na nakausap namin, parang hindi raw akma ang timeslot ng “ILAI” dahil karamihan sa kanila ay nasa trabaho pa kaya malabong mapanood nila ang kanilang mga idol. Isa pa, nasanay na ang madlang pipol na puro pambata ang mga ipinalalabas before “It’s Showtime,” na ang pinakahuli ay ang “Langit at Lupa.”

Maging sina Kim at Gerald ay halatang nagulat umano na daytime slot ang “ILAI” at hindi primetime. But since masunurin ang dalawa kaya walang narinig na reklamo sa kanila.

Anyway, mukhang saanmang oras ilagay ng Kapamilya Network ang Kimerald teleserye ay panonoorin pa rin ito ng kanilang fans, base sa magandang ratings na nakuha nito mula sa pilot episode hanggang sa kasalukuyan.