Nagsimula na ang countdown ng mga kandidato para sa pinakahihintay nilang paghatol ng bayan — ang May 2016 National and Local Elections na lalahukan ng mga kandidatong pulitikal mula sa pangulo, pangalawang pangulo, mga senador, mga kongresista, mga gobernador, mga bise gobernador, board members, mayors, vice mayors at mga konsehal ng mga bayan at mga lunsod.
Hindi lamang ang mga kandidato ang nagbibilang ng araw kundi ang mga botante na magpapartisipa sa halalang bayan. Sa paglilibot na isinagawa ng mga writer ng PINAS The Filipino’s Global Newspaper sa iba’t ibang mga lugar sa bansa, iba’t ibang opinion
ang kanilang narinig sa mga botante lalo na ang mga nasa hanay na kung tawagin ay class B, class C at class D.
Sila ang mga pangkat ng mga botante na may pinakamalaking bilang. Nasa mga pangkat ding ito ang mga kategoryang ‘mahirap’, ‘mas mahirap’ at ‘pinakamahirap’ kung antas ng kabuhayan ang paguusapan, subalit huwag silang maliitin dahil kaya nilang magluklok
ng mga kandidato mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang posisyon ng political structure, kaya tinawag sila ‘kings maker’.
Bagama’t may ilan din naman sa nasabing mga hanay na taglay ang prinsipyo o mga botante na naghahalal ng mga kandidatong karapatdapat na kanilang napupusuan, higit namang mas marami ang bilang ng mga botanteng naghihintay nang pagbuhos ng pera buhat
sa mga kandidatong bumibili ng boto.
Ilang botante buhat sa class C ang tinanong ng PINAS writers. Ang unang tanong ay kung sinu-sinong kandidato ang iboboto nila sa local level. “Kung sinong mayor, vice mayor ang makapagbibigay ng pera sa akin at sa mga kapamilya kong mga botante rin ay
sila ang aming iboboto.”
Ang ibang botante naman ang tinanong ng Pinas writers kung sinu-sinong kandidato sa national level ang kanilang ihahalal. “Kung sino (national candidates) ang sabihin ng aming mamanuking mayor ay sila ang aming iboboto.” Anang ilang botante. Sa simpleng
pag-aanalisa, ang mga kandidatong lokal din umano ang nagdidikta sa mga botante kung sinong pangulo at iba pang national candidates ang kanilang ilalagay sa balota lalo na kung ang mayoral candidate ay ‘vote buyer’.
Sa ganitong kalakaran umano nawawalan ng ganang pumalaot sa mataas na posisyon sa national level ang potential na political leader dahil kailangan nila ang malaking pondo at malakas na political machinery para magwagi sa election.
Nagagawa umano ng mga kandidato sa local level na mag-hire ng sandamakmak na ‘watchers’ at ‘coordinators’ kahit na hindi naman sila totoong magbabantay sa presinto sa araw ng eleksiyon kundi sila ang malaking puwersa ng mga madadayang kandidato na magpapanalo
sa mga tusong kandidato.
Kung ang national candidate ay hindi bitbit ng mayoral candidate ay mahihirapan silang makakuha ng boto sa mga botanteng ‘kings maker’ na subok na ang kanilang abilidad sa mga nagdaang political exercise sa bansa.
Ang mga dahilang umano ang posibleng balakid sa mga magagaling na political leader kung bakit ayaw nilang pumalaot sa national election dahil sa kawalan ng logistics at maliit na bailiwick na lubhang kailangan para magwagi sa halalan.