PINAS

Larry Bird: ‘Best Sharpshooter cager of All Time’

HINANGAAN dahil sa husay at galing na taglay. Walang sablay ang bawat shoot ng bola sa ring. Binansagang ‘sharpshooter’ sa kanyang panahon. Gumawa ng malaking pangalan sa National Basket Ball Association (NBA)  – itinanghal bilang “Basketball Hall of Famer” — si Larry Joe Bird.

Noon pa man, labis ang pagkahilig ng mga Pilipino sa larong basketball. Kaya naman inaabangan ang bawat laro ng mga koponan sa NBA sa telebisyon.

Sina Kareem Abdul-Jabbar at Magic Johnson ng LA Lakers; Moses Malone, at Charles Barkley ng Philadelphia 76ers at iba pang NBA legends na kasama ni Larry Bird sa “25 Best Players of the 80s” ay kabilang sa basketball superstars na hinahangaan ng mga Pilipino at ng basketball fans sa mundo.

Tulad ng mga sikat na NBA players, nagsimula ang basketball career ni Bird noong siya ay estudyante pa ­­lamang sa kolehiyo. Ang mahigpit na karibal noon ni Bird sa college basketball game ay si Earvin “Magic” Johnson, kung saan ang team ni Johnson ay ang Michigan State Spartans. Kapwa sila magaling sa long shot at jump shot kaya naman gumawa rin ng pangalan sa larangan ng basketball si Johnson.

Unang ipinamalas ni Bird ang angking galing sa Indiana State Sycamores basketball bilang sharpshooting forward. Ang Sycamores ang pinakamatandang basketball team sa National College Athletic Association (NCAA) sa Estados Unidos.

ANG PAGLAHOK NI BIRD SA BOSTON CELTICS

Taong 1979 nang lumahok sa basketball team na Boston Celtics si Bird. Kasabay niya ang kanyang karibal na manlalarong si Johnson. Napili ng Celtics si Bird sa isinagawang sixth overall pick ng 1978 NBA draft.

Lumagda si Bird sa kontrata sa Celtics, na ayon sa record ang kanyang kita ay $650,000 kada-taon. Ang malaking halagang suweldo ni Larry ay nakasalalay sa kanyang performance kada-laro sa Celtics na kailangang mag-average ng 21.3 points per game. Isa pa, taglay niya ang karangalang “Rookie of the Year” ng 1979-1980 NBA season.

Naglaro si Bird sa Celtics sa loob ng 13 seasons. Nakatuwang niya sa team ang magagaling na players na sina Kevin McHale, na isa ring power forward at si Robert Paris, na binunot mula sa Golden State Warriors, kung saan ay nabuo ang Hall of Fame trio.

Ang pinakamahigpit na karibal sa liga ng Celtics ay ang Los Angeles Lakers, na pinagbibidahan ni Magic Johnson. Kung sa panahong ito ay ang Golden State Warriors, sa pangunguna ni Stephen Curry at ang Cavaliers na tinatrangkuhan ni Lebron James, sina Johnson at Bird naman ang mahigpit na magkaribal sa loob ng hardcourt sa tuwing naghaharap ang Lakers at Celtics.

Tinaguriang “Rivalry of the Ages” ang Lakers at Celtics. Hindi maiwasang magkainitan ang fans sa loob ng hardcourt kapag naglalaban ang dalawang koponan. Ang mata ng buong mundo ay nakatunghay sa telebisyon sa tuwing may laban ang mga team nina Bird at Johnson.

LARRY BIRD SA ‘DREAM TEAM’

Noong dekada 80, pawang men’s amateur basketball players ang inilalahok ng United States sa Olympics dahil hindi pinapayagan ng komisyon ng Olimpiyada na makapaglaro ang professional cagers ng bawat bansang kalahok.

Noong 1989, pinayagan ng FIBA na na makalahok sa men’s basketball ang professional players. Kaya naman nanawagan ang USA Basketball sa NBA na pumili ng mahuhusay na players buhat sa iba’t ibang koponan sa liga.

Sa isang sports magazine na Sports Illustrated, inilathala nito ang pamagat ng koponang bubuuin ng NBA ang “Dream Team” na isasabak sa Olympics. Opisyal na inihayag noong Pebrero 1981 ang titulo ng koponan na kinabibilangan nina Larry Bird ng Celtics; Michael Jordan at Scottie Pippen ng Chicago Bull; John Stockton at Karl Malone ng Utah Jazz, Magic Johnson ng  Los Angeles Lakers; Patrick Ewing ng  New York Knicks; Chris Mullin ng Golden State Warrior; David Robinson ng San Antonio Spurs at Charles Barkley ng Philadelphia 76ers.

Ang unang team na nakalaban ng Dream Team ay ang national players ng bansang Angola. Nakamit naman ng Dream Team ang gintong medalya sa Olimpiyada nang talunin nito ang koponan ng Croatia sa gold medal game.

‘NBA COACH OF THE YEAR’

Dahil naabot na ni Bird ang retirement age sa pagiging basketball player sa NBA, pinasok naman niya ang coaching sa liga. Tinanggap ni Bird ang posisyong head coach ng Indiana Pacers, kahit wala pa siyang karanasan sa pagko-coach. Ang hakbang na ito ang nagbalik kay Larry sa kanyang home state sa West Baden Springs, Indiana.

Noong 1997-1998 NBA season, ginawaran ng karangalan si Bird bilang “NBA Coach of the Year,” makaraang isulong ang Pacers sa NBA finals noong 2000. Sa panahon ding iyon umalis sa Pacers si Bird bilang head coach.

Muling nagbalik sa Pacers si Bird noong 2003 bilang pangulo ng basketball operations.  Sa pagtatapos ng 2011-2012, ginawaran ng karangalan si Bird bilang “NBA Executive of the Year.” Siya ang tanging personaheng ginawaran ng mga titulong “NBA’s MVP, Coach of the Year” at “Executive Coach of the Year.”

Dahil sa mga katangiang nakamit ni Bird, kinilala siya sa kanyang larangan bilang “Greatest Basketball Player of All Time.” Isa rin si Bird sa talaan ng NBA’s Top 50 players ng 1996 at itinalaga ng Naismith Memorial Basketball Hall of fame ng 1998.

Noong 1999, napabilang siya sa listahan bilang No. 30 sa ESPN SportCentury’s Top 50 athletes ng 20th century.