Matatanaw agad ng mga tripulante ng alinmang barkong dadaan sa West Philippine Sea (WPS) ang mga ilaw ng dalawang parola (lighthouses) na may taas na 50 metro (164-foot high), na itinayo ng China sa nasabing lugar. Pinailaw na ng China ang nasabing dalawang
parolang itinayo nito sa isang bahagi ng pinag-aagawang isla sa loob ng West Philippine Sea (WPS), ayon sa ulat.
Ayon sa mga eksperto, masasabing patunay ito ng pagangkin ng China sa malaking bahagi ng WPS dahil ang mga ilaw ng dalawang parola ay waring simbulo ng kanilang paniniwala na pag-aari na nila ang nasabing lugar.
Batay sa ulat ng Xinhua News Agency, ang pagpapailaw sa dalawang lighthouses ay waring nasabay sa pagbisita sa Pilipinas ng mga tropang Amerikano bilang bahagi ng pagpapabuti ng relasyong pangmilitar ng dalawang bansa, laban sa hindi kaparehas na interes.
Ayon sa Chinese media, pangunahing responsibilidad ng mga lighthouse ay igiya ang mga barkong nadadaan sa lugar sa gabi upang makaiwas sa mabababaw na bahagi para hindi sumadsad pero hindi pa malinaw kung maniningil na ang China ng toll para sa serbisyong
ito.
Nangangamba naman ang mga mangingisdang Pilipino na lalo pang paiigtingin ng China ang paghihigpit sa nasabing karagatan, partikular sa mga lugar sa WPS na pinangingisdaan ng ating mga kababayan.