PINAS

Marian Rivera, sasagutin ang pag-aaral ng anak ni Ai Ai Delas Alas

MATAPOS magpasalamat ni Ai Ai Delas Alas kay Marian Rivera-Dantes sa programa nilang “Sunday Pinasaya” hinggil sa pagmamagandang-loob ng huli na sagutin ang wedding gown at bouquet sa kasal ng una  sa non-showbiz na si Gerald Sibayan,  dinagdagan pa ito ni Marian na lalong ikinatuwa ni Ai Ai.

Ayon kay Marian, pati ang pag-aaral ng magiging anak nina Ai Ai at Gerald ay tutustusan din niya. Labis naman ang pasasalamat at tuwa ng Comedy Queen sa tinuran ng Kapuso Primetime Queen, bagama’t marami ang duda na nagbibiro lang ang huli dahil batid ng lahat na 52 years old na ang komedyana.

Pero wala naman nang imposible sa panahon ngayon gaya ng napatunayan ni Dr. Vicky Belo na kahit lagpas 50 ay nagkaanak pa rin sa tulong ng siyensiya. Nariyan din ang sikat na singer at kapatid ng yumaong si Michael Jackson na si Janet Jackson na nagdalantao sa edad na 50.

Kaya naman hindi nawawalan ng pag-asa si Ai Ai na nananalanging mabiyayaan sila ng anak ng kanyang soon to be husband na si Gerald. “Magpi-pray ako, marami namang paraan. At kaya ko pa naman na magbuntis, basta, puwede pa.”

Willing din daw si Ai Ai na mag-undergo sa anumang paraan para magdalantao.  “Noon pa, matagal nang prepared. Let’s go!” masayang sabi pa ng komedyana.