PINAS

Martial Law, ‘di matatapos — Duterte

Naniniwala si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na Martial Law ang tugon sa problema sa Mindanao. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagpatinag sa kanyang desisyong isailalim sa Batas-Militar ang nasabing lugar hangga’t hindi nakatitiyak na ligtas na ulit ang nasabing rehiyon.

“Ako mismo ay ayaw ko ng Martial Law ngunit ito ang hinihingi ng kasalukuyang situwasyon,” pahayag ni Duterte.

“Kita kong hirap na hirap na ang mga sundalo ko. Marami tayong casualty and I am very sad,” sabi  pa ng pangulo.

“I hate to declare Martial Law. I hate to wage war against my own people pero kung ganito lang naman na sisirain mo ang bayan at walang magdesisyon para sa atin, puro tayo inutil, makinig ako r’yan sa mga kung sinu-sinong kritiko sa gobyerno. And if I try to listen to them, na matatakot lang ako kung anong sabihin nila kagaya ‘nong dumaan, eh ‘di I would be the second president to declare Martial Law,” matapang na pahayag ni Pangulong Duterte.

“I have been warning everybody: Do not create a situation that would be right for a declaration of Martial Law. Kaya ngayong nakipagsapalaran ang mga kriminal pati terorista, nag-declare ako ng Martial Law,” dagdag pa niya.

“Kailan ito matatapos, ewan ko. Sabihin nila 60 days? Punta na ako sa Congress. I don’t know. Sinabi ng Supreme Court they will examine the factual. Bakit? I don’t know. Hindi sila sundalo. Hindi nila alam kung ano ang nasa baba,” pagbibigay-diin niya.

Aniya, ang mga sundalo lang umano ang makapagsasabi sa kanya kung kailan puwedeng matapos ang Martial Law.

“Sinabi ng mga sundalo na nahihirapan na sila dahil maraming durugista at kriminal at nahaluan pa ng terorismo,”  dagdag pa ni Duterte.

Iginiit ni Pangulong Duterte na hindi ang mga nagrereklamo ang nagpapakamatay, naghihirap at nagdurusa sa mga nangyayari sa Mindanao, kundi ang mga sundalo.

“Sila ba ‘yung nagtitiis? Sila ba ‘yung namamatay na nauubusan ng dugo, na-hemorrhage, walang tulong at walang reinforcement? Hindi sila.”

Binigyang-diin pa ng pangulo na walang sundalong gusto ng giyera sa lahat ng panahon dahil hangad din nilang makauwi nang ligtas sa kanilang pamilya, mga asawa at anak.

 Droga ang ugat ng terorismo

Sinabi rin ni Duterte na hindi puro lang ISIS ang nasa Marawi ngayon.  Ang puno’t dulo umano ng lahat ay droga dahil ang nasabing lugar ang hotbed ng shabu at drug trade sa Mindanao.

Nasa Marawi umano ang lahat ng mga pulitikong nais yumaman o kahit sino na marunong sa droga.

“Ang mga Maute, magkakapatid na pulis ‘yan, nu’ng makita nila sa Maynila na magandang negosyo ang droga, umuwi sa Marawi at nagtayo ng malaking laboratory,”  aniya pa.

“Marawi has always been the hotbed of insurgency. Nang sumali ang mga Muslim at Kristiyano sa droga at nagkagipitan, they went to revolutionaries, pretended to fight for Islam to seek protection,” pahayag niya.

Kaya marami umano sa mga nagbabalik ang hindi kapani-paniwala.

“Ngayon, pati mga gangster sa Buldon. They want to be identified with Maute who were really two brothers who went to drugs. They are pretending to be allied with the ISIS because nandoon si Hapilon,” ani Duterte.

Si Isnilon Totoni  Hapilon, na kilala rin bilang si “Abu Abdullah al-Filipini,” isang militanteng lider na may kaugnayan sa ISIS at pinili na maging ‘emir of all Islamic State forces in the Philippines.’

Sinabi pa ni Duterte, “Actually, started with drugs. And they were producing drugs halfway, not really to negosyo but to fund the terrorism.”

 Walang nag-uusap tungkol sa Mindanao

“Ang problema, nobody was talking about Mindanao,” ani Duterte.

Noong panahon umano ng halalan, walang sinumang kandidato ang nagbanggit sa problema sa Mindanao. At dahil naging mayor siya sa loob ng 23 taon sa Davao, congressman at vice mayor, alam niya na malaki ang problema ng nasabing isla.

Aminado ang Pangulong Duterte na isa sa mga dahilan kung bakit siya tumakbo bilang pangulo ay dahil ayaw niyang tuluyang mawala ang Mindanao.

 Makikipagtulungan si  Misuari

Sinabi ni Duterte na nagpadala ng sulat sa kanya si Misuari at sinabing handa nitong ibigay ang mga tao sa pangulo.

Kaya hinimok ng Pangulong Duterte ang lahat ng mga sundalo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at  Moro National Liberation Front (MNLF), maging ang New People’s Army (NPA) na sumanib sa gobyerno at bibigyan niya ng mga benepisyong kapareho ng natatanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga ito.

“We have to fight because it is the only country we have. Pagka nawala ito, ang Mindanao, pagka sumabog ito, wala na ang Pilipinas. Then it is a destroyed country. And of course, we cannot allow that to happen, even if we have to die, all of us,” ayon pa kay Duterte.

“I’d like to remind the entire  Mindanao na walang warrant search to arrest. ‘Yan ang tandaan ninyo at wala kayong habeas corpus because the suspension of the writ of habeas corpus, isinali ko na,” pahayag ulit niya.

Kaya pinayuhan niya ang mga ito, lalung-lalo na ang mga nagnenegosyo ng droga na tumigil na dahil huhulihin talaga ang mga ito kahit walang warrant.

Ngunit nilinaw niyang walang magiging problema ang law-abiding at God-fearing citizens ng bansa sa Martial Law.

Problema umano ito ng mga  teroristang pinagmulan ng droga at sinakyan ang ideology ng ISIS, na walang ginawa kundi ang mamugot ng ulo ng tao.

Ayon pa kay Duterte, ang Martial Law ang magpoprotekta sa mga sundalo at pulis at hindi siya papayag na may makulong sa mga ito.

“I and I alone, president, will bear the responsibility for all consequences. For all — kung ano ang mangyayari rito, akin ‘yan at ako ang makulong.

“Martial Law is Martial Law. It means really the military takes over the civilian government in the meantime,” aniya pa.

Nagbigay ng constitutional limits ang Supreme Court (SC) sa ilalim  ng 1987 Constitution upang maiwasan na muling mangyari ang nangyari sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang pinakaunang pangulo ng Pilipinas na nagdeklara ng Batas-Militar sa bansa.

 Mga rebeldeng sasanib tanggap ng AFP

Ayon naman kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, malugod nilang tatanggapin ang mga rebeldeng lalapit sa kanila upang maging sundalo ng gobyerno tulad ng sinabi ng Pangulong Duterte.

Aniya, hindi na umano bago na may mga dating kalaban na sumanib sa gobyerno at marami rin sa mga ito ang nagbuwis ng buhay para sa bansa, tulad ng isang karpintero na dating MILF, na pinatay dahil nagbalik-loob sa batas.

“Marami sa kanila ang tunay na naging bayani ng ating bansa,” pahayag pa ni Padilla.

 Walang makahahadlang sa pangulo

Sinabi naman ni dating Sen. Juan  Ponce  Enrile, na bilang si Pangulong Duterte ang commander-in-chief at tagapangasiwa sa seguridad at katahimikan ng bansa, ang pangulo lang ang nakaaalam sa tunay na situwasyon.

Ang Pangulong Digong din lang umano ang magdedesisyon kung kailan nito gagamitin ang mga kapangyarihang ibinigay rito ng Saligang-Batas at ng taumbayan.

“Walang makahahadlang sa kanya, kahit na ang Korte Suprema sapagkat sinasabi sa Saligang- Batas na ‘pag nagkaroon ng giyera o rebellion at ang katahimikan ng bansa ay nalalagay sa masalimuot na kalagayan, responsibilidad at obligasyon ng pangulo na patahimikin ang bansa at gamitin ang Batas-Militar,” paliwanag ni Enrile.

Ayon pa kay Enrile, kulang ang karanasan ng mga nagrereklamo hinggil sa pagkadeklara ng Martial Law ng Pangulong Duterte.

Base umano sa kanyang karanasan mula 1971 hanggang 1983, may makuha mang suporta o wala ang pangulo, hindi pa rin ito mapipigilan kung tuluyan nitong isasailalim sa Batas-Militar ang Pilipinas.

“Bago kayo magreklamo, hayaan ninyo munang gawin ng pangulo ang kanyang dapat gawin,” mariing pahayag ng beteranong mambabatas.