Karamihan sa mga tu ristang dumarayo sa beach resorts dito sa Luzon ay pawang local tourists. Dahil hindi lahat ng lalawigan ay may mahahabang shoreline na pino ang buhangin, ang mga lalawigang may ganitong katangian ang dinarayo ng mga turistang lokal.
Ang mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Aurora sa Central Luzon (CL) ang malimit puntahan ng mga turista dahil sa magagandang shorelines. Ang bayan ng Iba sa Zambales ang pinaka-popular na destinasyon ng mga turista kaya tuwing summer, dumadagsa ang mga turista sa Iba upang maligo sa malinis na dagat nito.
Kung ilang taon na kaming magkakamag-anak na pabalik- balik sa Iba at marami-rami na ring resorts doon ang aming tinuluyan. Kakaiba kasi ang situwasyon ng karagatan ng Iba tuwing tag-araw. Napakabanayad ng mga alon at mababaw ang tubig kahit ilang metro ang iyong lakarin mula sa pampang.
Dahil sa rami ng mga turistang pumupunta sa beach ng Iba, lalo na ang mga pamilyang may kasamang maliliit na bata, may mga magulang na kung saan-saang sulok ng beach nag-iiwan ng mga nagamit nang disposable diaper.
Minsan, samantalang naglalaro sa buhanginan sa tapat ng tinuluyan naming resort ang aking mga pamangkin, hindi sinasadyang nakahukay sila sa buhangin ng disposable diaper na may ‘pupu.’
Hindi lang kami ang nakaranas ng gayon, kundi maging ang ibang bata na hindi namin kasama ay nakahukay rin ng diaper samantalang sila ay gumagawa ng sand castle.
Kayong mga salaulang magulang o kung sinuman ang iresponsableng beachgoers na nagbabaon ng nagamit na disposable diaper sa buhanginan ng beach, makonsensiya naman kayo. Mayroon namang basurahan, bakit kailangang ibaon pa sa buhangin ang inyong basura?
Ang pagtungo sa beach ay may kaakibat na malasakit. Alalahaning hindi lang minsanan ang pagpunta sa beach. Baka kayo rin ang maging biktima ng inyong kasalaulaan sa inyong pagbalik sa paborito ninyong beach resort.