Tuloy na ang proyektong modernisasyon ng Malolos Central Terminal matapos ang groundbreaking ceremony sa lugar na pinanguna han ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos at Malolos Terminal and Commercial Hub, Inc., kamakailan. Ito rin ang hudyat ng kaunaunahang
Public-Private Partnership (PPP) sa Bulacan.
Ayon kay Mayor Christian Natividad, plantsado na ang mga detalye para sa nasabing proyekto para sa ligtas, maayos at mabilis na sistema ng transportasyon. Planong tayuan ng tatlong palapag na gusali ang nasabing terminal na unang binuksan noong 2009.
Bukod dito, lalagyan ng mga pasilidad na pasok sa konsepto ng pagiging Intermodal Terminal. Ibig sabihin, bukod sa mga dyip, magkakaroon ito ng pilahan para sa mga UV express van, mga tricycle at maging ang malala king bus ay uubrang pumasok.
“Sa lumalaking populasyon dito sa Malolos, dapat tinitingnan natin ang hinaharap na mas dadami pa ang tao kaya’t kailangang ihanda ang mga imprastraktura. Tapos na tayo sa pagpapalapad ng mga lansangan, naipuwesto na natin ang footbridges sa mga istratehiyang
lugar, lalo na sa tapat ng mga paaralan at ngayon, prayoridad naman ang isang mas sistematikong Malolos Central Terminal,” ani Mayor Natividad.
Base sa plano, mahigit 100 pampublikong sasakyan ang puwedeng gumamit nito nang salitan sa bawat oras ng pagsasakay. Dahil walang gagastusin ang pamahalaang lunsod para sa proyekto, ang napiling pribadong sektor na Malolos Terminal and Commercial Hub,
Inc. ang mamumuhunan sa pagpapatayo sa loob ng 25-taong panahon na konsesyon sa ilalim ng sistemang Built-Operate-Transfer (BOT). Tiniyak naman ni Mayor Natividad na hindi magmamahal ang singil sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan.
“Hindi sa toll kukuhanin ang babawiing kita ng pribadong sektor. Mananatili kung magkano ang singil sa bawat dyip o UV dahil may ibang pagkukuhanang kita ang makukuha nating concessionaire,” wika ni Natividad.
Sa itatayong 2 palapag na gusali sa loob ng terminal, ang unang palapag ay magiging tanggapan ng pamahalaang lunsod tungkol sa transportasyon at city police. Ang ikalawang palapag ay magiging tanggapan ng concessionaire samantalang ang malaking bahagi
ay pauupahan sa Starbucks at 7-Eleven. Bukod dito, ang mapipiling concessionaire ang magtatayo rin ng Twin Tower na magiging pasilidad para sa mga call center at iba pang Business Processing Outsourcing (BPO).
Matatandaang kabilang ang Malolos sa Top Next Wave Cities ng Cyber Corridor. Aabot sa 2-ektaryang lupa ang gagamitin para sa proyekto na bahagi ng 10-ektaryang lupang ipinagkaloob ni dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo noong 2004 mula sa lupang
sakop noon ng Philippine Information Agency (PIA).
Kaugnay nito, magkakaroon ng hiwalay na footbridge para sa nasabing Manila Central Terminal na bahagi ng konsesyon na direktang nakadugtong sa loob mismo ng main campus ng Bulacan State University (BSU).