PINAS

Pakikipaggiyera sa China? Kayo na lang!

 ANG linyang “Pakikipaggiyera sa China? Kayo na lang!” marahil ang ibabato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kababayan natin na sinasabing makabansa at nag-uudyok sa kanya na pigilan ang China sa aktibidad nito sa South China Sea, ipatupad ang desisyon ng arbitral tribunal, partikular sa marine features na inaangkin ng Pilipinas subalit hindi naman umano iniisip ang malagim na senaryong kahahantungan ng Pilipinas, kung magkakamali ng desisyon ang ating pangulo.

Mahaharap sa malaking problema ang Pilipinas at sa posibilidad ng madugong komprontasyon, kung saan ay mauuwi sa pagkawala ng maraming buhay ng mga Pilipino kung magmamatigas ang ating pamahalaan na igiit ang eksklusibong sovereign rights sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa desisyon ng United Nations (UN) Arbitral Tribunal.

Ang senaryong ito ang pinangangambahang mangyari ni Pangulong Duterte, kung paiiralin ng mga Pilipino ang tapang at pride upang ipamukha sa mga Intsik na walang basehan ang kanilang nine-dash line na sumasakop sa 90 porsiyento ng South China Sea at sabihin sa China na iligal ang pag-reclaim nila sa mabubuhanging isla sa naturang karagatan, na tinayuan nila ng mga istrakturang kinabibilangan ng matataas na gusali, mga pantalan at mga paliparan at kamakailan lang ay napaulat na nakapagtayo na ng rocket launchers sa Fiery Cross Reef, lugar sa WPS na inaangkin ng Pilipinas ang mga Intsik.

Malalagay rin umano sa alanganin ang planong pag-develop sa Pag-asa Island at iba pang mga pulog bahagi ng Kalayaan Group of Islands kung susunod si Pangulong Duterte sa udyok ng ating mga kababayan na ipatupad ang arbitral ruling upang mapigilan ang China na i-develop din ang Scarborough Shoal, ang pinakamalapit na isla sa WPS na nakapaloob sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Matagal nang pangarap ng mga opisyal ng pamahalaan sa Kalayaan Islands na mapaunlad, i-develop at palakasin ang ekonomiya nito, partikular ang munisipalidad ng Pag-asa na kinaroroonan ng lumang airstrip na balak isailalim sa rehabilitasyon upang mapayabong ang industriya ng turismo sa naturang lugar.

May laang pondong P1.6 bilyon umano para i-develop ang lugar upang maging tourist attraction at maglagay roon ng marine research center.

Optimistiko naman si Pag-asa Mayor Eugenion Bito-onon, na mapaunlad ang industriya ng turismo sa kanilang bayan upang mabigyan ng oportunidad sa empleyo ang kanyang mga kababayan. Ang Pag-asa at ang Kalayaan Group of Islands ay parte ng Palawan.

PHL: HINDI ISUSUBO SA GIYERA NI PD30

Maingat ang bawat hakbang na gagawin ni Pangulong Duterte, kung paano maigigiit  nang maayos kay Chinese President Xi Jinping, ang arbitral ruling dahil ang padalus-dalos na desisyon ay posibleng humantong sa madugong komprontasyon na maglalagay sa panganib sa buhay nang milyun-milyong Pilipino.

Sa nakaraang pakikipag-usap ni Pangulong Duterte kay Jinping, binanggit umano ng Pangulo kay Xi ang karapatan ng Pilipinas na magmina ng langis sa WPS dahil may pinanghahawakan tayong dokumento, ayon sa arbitral ruling.

Agad umanong sinalag ni Xi, ang pahiwatig ni Duterte at sinabing ayaw nito (Xi) ng away at nais nitong mapanatili ang magandang relasyon ng Pilipinas at China subalit may pasubali si Jinping na mauuwi sa digmaan, kung ipipilit ng Pilipinas ang arbitral ruling.

Bagama’t may mandato si Duterte na sundin ang utos ng international tribunal, hindi umano niya isusugal ang buhay ng ating mga kasundaluhan at ang maraming buhay ng sambayanang Pilipino para lamang ipatupad ang naturang kautusan nang hindi pinag-iisipang mabuti ang magiging resulta ng naturang hakbang.

Hindi niya gagawing isubo sa giyera ang hukbo ng bansa dahil walang kalaban-laban ang ating militar sa kanilang air at sea assets, lalo na ang inter-continental ballistic missiles (ICBM) ng China na may kakayahang dumurog sa mga siyudad, mga bayan sa kalupaan ng Pilipinas.

“Because if they’re willing to fight, we are. But kung ako lang, why would I do that? It will result in a massacre and it will just destroy everything. Ang unang sasabog diyan ‘yong Palawan and I do not have the cruise missiles…” anang bahagi ng pahayag sa media ni Pangulong Duterte, kamakailan.

BILATERAL MEETING MAHALAGA SA WPS

Mahalaga ang bilateral meeting upang maisakatuparan ang pagpapaunlad sa Kalayaan Group of Islands, partikular sa Bayan ng Pag-asa dahil kung iiral ang militarisayon sa WPS na napipintong ipatupad ng China, mahirap umanong paunlarin ang lugar kung may mga barkong pandigma na nakabantay sa naturang karagatan.

Kamakailan ay sinimulan ang Bilateral Consultative Mechanism (BCM) sa pagitan ng Pilipinas at China para sa mapayapang pagresolba ng isyu sa WPS.

Si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano ang namuno sa delegasyon ng Pilipinas samantalang ang kanilang counterpart ay mula sa Chinese Foreign Ministry.

Aminado ang ating mga lider na hindi pa handa ang China na tanggapin ang desisyon ng United Nations Arbitral Tribunal na pumanig sa Pilipinas at ibinasura ang inaangking 9-dash line ng China sa WPS.

Sa kabila nito, ang BCM pa rin ang magandang simula para resolbahin ang gusot sa isyu sa WPS.

Nabatid na sinimulan ng delegasyon ng Pilipinas at China ang Terms of Reference (TOR) na siyang magiging daan para sa confidence-building measures upang i-promote ang maritime cooperation and security sa rehiyon.

Ayon pa sa ulat, ang magkabilang panig ay nagkaroon nang direkta, malawak at magiliw na palitan ng diskurso ukol sa sa mga issue sa South China Sea. Kapwa inulit-ulit ng dalawang bansa ang kanilang mga pangakong magkaisa at humanap ng mga paraan upang  palakasin ang tiwala at kumpiyansa sa isa’t isa.

Bahagi rin ng development sa mga islang sakop ng Palawan ang pagpapatuloy sa plano ng ating pamahalaan na pagsasaayos ng Pag-asa Island kahit pa sinasabi ng China na tutol ito sa naturang hakbang.

Sa pananaw naman ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon, Jr., hindi aniya magagawa ng nasabing bansa na harangan ang access ng Pilipinas sa isla ng Pag-asa.

Bagama’t hindi pa rin isinasantabi ang posibilidad na pigilan ng China ang Pilipinas sa mga plano nito sa isla, sinabi ni Esperon na malabo itong mangyari dahil hindi naman nila pinipigilan ang mga banyagang bansa na gawin ang kanilang mga aktibidad sa iba pang mga isla sa WPS.

“They may block us there but my own assessment is they might not. We don’t block them in Fiery Cross, in Subi, in Mischief Reef. Each of them is 500 hectares,” aniya.

Kung mapaiiral ang kapayapaan sa palibot ng WPS, malayang makapaglalayag ang mga commercial at passenger vessel sa karagatang patungo sa Pag-asa Island at sa iba pang mga isla ng Kalayaan na plano ring ide-develop.

May development programs nang nakahanda ang pamahalaan ng Pag-asa para sa pagpapagawa ng lodging houses na maaaring mag-accommodate ng mga turista. Bagaman hindi nagsabi ng karagdagang impormasyon si Mayor Biton-onon tungkol dito, sinabi niyang maaaring mag-camp ang mga turista sa isla at doon ay safe ang mga ito kahit pa may sama ng panahon, lalo na sa panahong aktibo ang habagat sa rehiyon.