ALAM n’yo bang naniniwala ang mga siyentipiko na sinusupil ng mga kemikal sa pulang alak o polyphenol ang kemikal na nagpapakipot sa mga daluyan ng dugo?
Bukod diyan, karaniwan nang iniuugnay ang alkohol sa pagdami ng tinatawag na mabuting kolesterol. Binabawasan din nito ang mga substansiyang nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo.
Anumang pakinabang na makukuha sa inuming de-alkohol ay waring mula sa pag-inom nang kaunti lamang sa iba’t ibang araw ng sanlinggo, sa halip na sa pag-inom ng kabuuang dami nito nang minsanan sa isang gabi.
Ang pag-inom nang mahigit sa dalawang tagay sa isang araw ay iniuugnay sa pagtaas ng presyon ng dugo at dahil sa sobrang pag-inom, lumalaki ang panganib na maistrok ang isang tao at maaari itong maging sanhi ng pamamaga ng puso at hindi regular na tibok ng puso.
Ang labis na pag-inom ay nagiging sanhi ng ganitong mga panganib at iba pang mga sakit, anupa’t napawawalang-saysay ang anumang magandang epekto ng alkohol sa puso at mga daluyan ng dugo. Anumang bagay na sobra ay masama.
Mga bahagi ng katawan na napipinsala ng alak:
- Utak – Pagkamatay ng selula, pagkamalilimutin, depresyon, agresibong paggawi.
- Panlalabo ng paningin at pagsasalita at pagbagal ng koordinasyon ng katawan – pinahihina nito ang tamang pagdaloy ng dugo na nag-uugat sa pagbagal ng nerves na nasa mata, bibig at kalamnan.
- Kanser sa lalamunan, bibig, suso, atay at puso – Paghina ng kalamnan, posibilidad na atakihin sa puso.
- Atay – Nababalot ng taba, lumalaki, pagkatapos ay nagkakapilat (cirrhosis).
- Iba pang mga panganib – Mahinang sistema ng imyunidad, mga ulser, pamamaga ng lapay.
- Mga babaeng nagdadalantao – mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak, lalo na sa mga nagdadalantao dahil lubos na maaapektuhan nito ay ang bata. Panganib na magkadepekto o maging mabagal ang pag-unlad ng isip ng mga sanggol. Di-hamak na mas nakapipinsala ang alkohol sa nabubuong ‘fetus’ kaysa sa anumang iba pang drogang inaabuso.
Mga sakit na makukuha sa sobrang pag-inom ng alak:
Hindi na bago sa pandinig ang pagkakaroon ng masasamang epekto ng sobrang pag-inom ng alak.
Taun-taon, libu-libo ang namamatay sa buong mundo dahil sa karamdaman sa atay na dulot ng sobrang alak sa katawan. Marami rin ang napababalitang namatay dahil sa mga aksidenteng may koneksiyon pa rin sa alak.
Ngunit kung inaakala ninyo na sakit sa atay at aksidente lamang ang masamang naidudulot ng sobrang alak, nagkakamali kayo. Sa katunayan, may halos 60 uri ng sakit ang may kaugnayan sa maabusong pag-inom ng alak.
Narito ang ilan sa mga karamdaman na maaaring makuha mula sa sobrang pag-inom ng alak:
- Anemia – Ang sobrang alak sa katawan ay maaaring makaapekto sa dugo. At kung ito ay magpapatuloy, maaaring humantong ito sa sakit na anemia. Bumababa kasi ang lebel ng oxygen sa dugo kung madalas na umiinom ng alak at dito nagsisimula ang sakit na anemia. Kaugnay ng sakit na ito, maaaring maranasan ang madalas na pagkahilo, hirap sa paghinga at madaling pagkapagod.
- Cancer – Ang madalas din na pag-inom ng alak ay maaaring maiugnay sa pagkakaroon ng cancer ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa. Dahil ito sa kemikal na acetaldehyde na isang carcinogen na nakukuha kapag umiinom ng alak. Ang mga bahaging nanganganib na pagsimulan ng cancer ay sa bibig, lalamunan, atay, bituka, suso at sa tumbong.
- Cardiovascular disease – Mas tumataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa daluyan ng dugo (cardiovascular) dahil sa madalas na pag-inom ng alak. Kabilang sa mga sakit na tinutukoy rito ay stroke at atake sa puso na parehong nakamamatay. Naaapektuhan kasi ng alak ang platelets sa dugo na kung magpapatuloy ay maaaring humantong sa pamumuo ng dugo sa isang bahagi ng ugat na daluyan. Nanghihina rin ang mga kalamnan ng puso kung sosobra ang alak sa dugo.
- Pagkasira ng atay (cirrhosis) – Ang pinakakilalang masamang epekto ng alak sa kalusugan ay ang pagkasira ng laman ng atay o cirrhosis. Sinisipsip kasi ng atay ang sobrang alak sa dugo na siya namang lumalason dito at humahantong sa pagkasira ng mga laman nito. Ang malalang kondisyon ng cirrhosis ay hindi na malulunasan pa ng mga gamot. Kakailanganing mapalitan ang nasirang atay sa pamamagitan ng transplantasyon.
- Pagkalimot (dementia) – Ang talas ng pag-iisip ay natural na nababawasan sa pagtanda ng bawat tao. Ngunit sa taong madalas na umiinom ng alak, doble o triple ang bilis ng pagkasira ng cells sa utak kaya’t mapaaaga ang kanilang pagiging malilimutin.
- Nerve damage – Apektado rin ng sobrang alak ang nerves sa ilang bahagi katawan. Tinatawag na alcoholic neuropathy ang kondisyon ng pagkasirang ito. Dahil dito, maaaring dumanas ng pamamanhid sa ilang bahagi ng katawan, constipation o pagtitibi at maging panghihina ng ari ng lalaki o erectile dysfunction.
- Gout -Ang gout ay isang hindi komportableng karamdaman na nagdudulot ng matinding pananakit sa mga kasukasuan. Ito ay dahil sa pamumuo ng mga uric acid crystal sa mga kasukasuan. Ang sakit na ito ay kadalasang namamana o hereditary ngunit napatunayan ng mga eksperto na maaaring mas tumindi ang kondisyon kung madalas na umiinom ng alak.
- Altapresyon – Tinatawag na altapresyon o high blood pressure ang kondisyon ng pagtaas ng presyon ng dugo. At isa sa mga kilalang nakapagpapataas nito ay ang pag-inom ng alak. Dapat alalahaning mataas ang panganib ng stroke at atake sa puso kung madalas na dumaranas ng altapresyon.
- Impeksiyon sa katawan – Isa rin sa masasamang epekto ng alak sa katawan ay ang pagpapahina nito sa resistensiya ng katawan laban sa mga mikrobyong nagdudulot ng mga sakit. Mas mataas ang panganib ng pagkahawa sa mga sakit kung madalas na umiinom ng alak.
- Pagkasira ng pancreas (pancreatitis) -Hindi lamang ang tiyan (stomach) at atay (liver) ang apektado nang tuluy-tuloy na pag-inom ng alak. Maging ang lapay o pancreas ay nanghihina rin sa pagkakaroon ng alkohol sa katawan. Kung masisira ang pancreas, maaaring dumanas nang madalas na pananakit ng tiyan at pagtatae.