NAGDIDILIM ang buong Kamaynilaan tuwing panahon ng rush hours dahil sa rami ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan ng Metropolis, sanhi ng marumi at maitim na usok na nanggagaling sa makina ng mga sasakyan, partikular sa mga lumang behikulo na nagbubuga nang makapal na usok ang mga tambutso. Ang ganitong senaryo ay nangyayari sa urban cities sa bansa tulad ng Cebu City, Davao City, Baguio City, Olongapo City at iba pang highly urbanized cities sa labas ng Metro Manila.
Ang patuloy na pagdumi ng hangin sa mga highly urbanized city sa bansa ay nangyayari sa kabila ng umiiral na batas tulad ng Clean Air Act of 1999, na ang pangunahing ahensiya na tagapagpatupad nito ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang mga ahensiya ng pamahalaan na nakatutuwang ng DENR sa pagpapatupad ng naturang batas ay ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP) at ang lokal na pamahalaan. Magdadalawang-dekada nang ipinatutupad ang Clean Air Act subalit hindi pa rin masolusyonan ang air pollution sa naturang mga lugar, kaya ang mga taong unang naaapektuhan ng maruming hangin ay ang mga kababayan nating maghapong nakababad sa lansangan tulad ng mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyan, mga mananakay, mga street vendor at mga traffic enforcer.
Nakapanayam ng PINAS The Filipino’s Global Newspaper si Dante Manuel, isang traffic enforcer sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City. “Araw-araw akong nag-aayos ng trapiko sa iba’t ibang lugar sa Makati, kaya araw-araw rin akong nakalalanghap ng makapal na usok, lalo na ang maitim na usok na ibinubuga ng tambutso ng mga lumang sasakyan.”
EPEKTIBO BA ANG PRIVATE EMISSION TESTING CENTER?
Ang pagpapatupad ng Republic Act 8749 ay sinimulan noong Oktubre 2002, kung saan ang lahat ng motor vehicles na panlupa ay kailangang sumailalim sa smoke emission test, alinsunod sa patakaran ng Land Transportation Office (LTO).
Ang Department of Transportation and Communications (DOTC) sa pakikipagtulungan ng LTO ay binigyan ng akreditasyon ang mga awtorisadong private emission testing center.
Sa mga Private Emission Testing Center (PETC) ay may mga tauhan ang mga ito na nag lalagay ng exhaust gas sensor rod sa loob ng tambutso ng sasakyang isinasailalim sa emission testing. Matapos ang testing procedure, mag-iisyu ng certificate ng PETC kung pasado o hindi ang makina ng sasakyan makaraang masuri ang kalidad ng makina at ang pasadong certificate galing ng PETC ay ia-attach sa rehistro ng sasakyang ire-renew sa LTO.
May mga mananakay na nagsabi na kahit may emission test center ay marami pa rin anilang mga sasakyang tumatakbo sa lansangan na nagbubuga nang maitim na usok, lalo na ang mga pampasaherong bus, mga lumang SUV at mga trak. “Kung epektibo iyang emission testing center, bakit marami pa ring mga sasakyan ang nagbubuga nang maitim na usok ang pinapayagang tumakbo sa mga pangunahing lansangan?” tanong ng isang mananakay.
May opinyon pa ang mga commuter na hindi na raw kailangang magsagawa ng emission test dahil kahit sa tingin pa lang ay makikita na ang mga pampasaherong bus at trak na palyado na ang makina, lalo na sa EDSA na halos nagkaka-zero visibility tuwing rush hours dahil sa kapal ng mga usok na ibinubuga ng mga sasakyan. Dahil dito, nagtatanong ang mga commuter kung epektibo pa ba ang mga PETC?
Sayang lang anila ang malaking halagang ibinabayad sa mga establisimiyentong iyan, kung hindi naman nakatutulong sa paglilinis ng hangin sa kapaligiran.
ILANG DAHILAN KUNG BAKIT MAUSOK ANG SASAKYAN
Dalawa ang uri ng mga sasakyang gumagamit ng petrolyo. May behikulong gumagamit ng gasolina at mayroon din namang motor vehicle na gumagamit ng diesel o krudo.
Ang karaniwang sanhi ng maruming usok mula sa makina ng sasakyang pinatatakbo ng gasolina ay dahil sa baradong air filter ng makina. Maaaring may diperensiya ang carburetor o hindi maayos ang fuel injection. Puwede ring tumatagas ang langis sa exhaust system ng makina.
Sa behikulo naman na gumagamit ng krudo, maaaring may faulty injection system sa makina kaya maitim at makapal na usok ang lumalabas sa tambutso. Puwedeng wala sa timing ang makina, kaya kailangang i-adjust at puwede ring may oil leak sa exhaust system ng engine.
Kung ang mga karaniwang problemang ito ay paulit-ulit na lang o pabalik-balik na lang sa talyer ng mekaniko ang lumang sasakyan, ipinapayo ng mga mekaniko na bumili na lamang ng bagong sasakyan ang car owners upang hindi sumakit ang kanilang mga ulo sa pagpapakumpuni sa kanilang mga lumang behikulo.
Nangyayari rin umano ang katiwalian sa pagitan ng PETC at ng motor vehicle owner, kung ang depektibong makina ay bibigyan ng pasadong certificate, kahit na nagbubuga ng langis ang makina ng sasakyan para mairehistro sa LTO. Ibig sabihin ay may emission centers na ‘pera-pera’ lang, kaya dapat maimbestigahan kung may mga emission center na gumagawa ng ganoong iregularidad.
Tuwing nagpaparehistro tayo ng sasakyan ay kinakailangan nating idaan ito sa tinatawag na smoke emission test bilang pagtalima sa ating umiiral na batas laban sa smoke belching. Ngunit bakit kaya sangkatutak pa ring mga sasakyan, na karamihan ay mga trak at pampasaherong bus ang bumibiyahe na makapal pa rin ang usok na lumalabas sa mga tambutso?
May mga balita kasi na sinisindikato ng mga private smoke testing center ang mga isinasagawang emission test at kahit hindi naman dapat pasado ay binibigyan pa rin ng certification para sa registration. In short, ginagawang raket ng smoke testing centers ang rekisitos na ito ng LTO.
Kapalit ng ‘tongpats’ ay nakapapasa sa smoke test ang mga sasakyan na siyang dahilan naman kung bakit unti-unti tayong pinapatay ng mga ito dahil sa polusyon.
Marahil naman ay hindi lingid kay LTO Chief Atty. Alfonso Tan, Jr. ang raket ng mga smoke emission testing center. In short, it’s either tino-tolerate niya ito o kaya naman ay nakikinabang din siya rito.
Sa totoo lang naman ay hindi na kinakailangang magsagawa ng mga test na ‘yan dahil kahit sa tingin pa lang ay alam mo nang napakarami sa mga bumibiyaheng pampasaherong bus at trak ay palyado na ang makina. Doon pa lang sa EDSA ay halos nagkaka-zero visibility na minsan dahil sa kapal ng usok na ibinubuga ng mga sasakyan.
Ni hindi mo na kailangan ang aparatong ginagamit upang alamin ang antas ng usok na ibinubuga ng isang sasakyan dahil kitang-kita mo na ang maitim at mabahong usok na nagmumula sa mga tambutso. Paano kaya nakalusot ang mga ito sa smoke testing centers na kontrolado ng Private Emission Testing Center Operators Association (PETCOA)? Totoo ba ang mga balitang hindi magalaw-galaw ang mga ito dahil ang lalakas ding maghatag ng ‘tongpats’ sa mga opisyal ng LTO?
Kung tunay na tuwid na daan ang isinusulong ngayon na patakaran sa LTO, isa sa mga bagay na kinakailangang busisiin nito ay ang record ng private emission testing centers na accredited ng naturang ahensiya. Kinakailangang magreapply ng accreditation ang mga ito upang masiyasat na mabuti ang kanilang mga record bago payagang muli na maging third party service provider ng LTO pagdating sa emission testing. Dito natin malalaman kung tunay ngang may malasakit sa taumbayan ang LTO.
ANTI-SMOKE BELCHING CAMPAIGN ‘NINGAS-KUGON’
Nagsagawa ng smoke belching campaign kamakailan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Transportation Office (LTO) sa Commonwealth Avenue, kung saan ay maraming behikulo na nag bubuga nang maitim na usok ang kanilang hinuli. Ayon sa mga kababayan natin, palasak na sa kanila ang gayong panoorin sa lansangan, ‘ningas-kugon’ lang anila ang hakbang na isinasagawa ng naturang mga ahensiya dahil kahit magsagawa sila nang madalas na panghuhuli sa mga pasaway na motor vehicle owners ay hindi naman nawawala sa lansangan ang mga sasakyang nagbubuga nang maitim na usok.
Malala na umano ang air pollution sa Metro Manila, na nalalanghap nang milyunmilyong residente na ang dulot sa tao ay sakit sa respiratory system. Kapag hindi nasolusyonan ng air pollution, magkakatotoo umano ang resulta ng isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na umano matitirahan ang Metro Manila dahilsa sobrang pagkalason ng hangin.