Ipinatutupad na ngayon ang Republic Act No. 10913 na mas kilala bilang Anti-Distracted Driving Act (ADDA). Ipinagbabawal ng batas na ito ang paggamit ng drayber ng anumang gadget samantalang nagmamaneho kasama na ang mga panandaliang pagtigil ng sasakyan kaugnay ng biyahe. Kasama sa mga ipinagbabawal ay ang paglalagay ng gadgets na makaiistorbo sa ‘line of sight’ ng drayber. Sakop nito ang lahat ng mga pampribado at pampublikong sasakyan kabilang na ang bisikleta, kuliglig, heavy equipment, sasakyang pang-construction at sasakyang pang-agrikultura. Sa madaling-salita ay lahat ng sasakyang pambiyahe sa lupa ay nakapaloob sa nasabing batas. Hindi kasama sa pagbabawal ay ang paggamit sa gadget kapag may emergency. Pinapayagan ding gumamit ng ‘hands free devices’ para sa mga incoming at outgoing calls lamang, hindi ang pakikinig sa musika.
Napakaganda ng layunin ng batas na ito sapagkat maraming aksidente ang nagaganap dahil naiistorbo ang atensiyon ng drayber sa kanyang pagmamaneho. Nakakikilabot makita ang mga drayber na samantalang nagmamaneho ay hawak sa isang kamay ang cellphone o kaya naman ang mata ay nakatingin sa gadget sa halip na sa kalsada. Pangkaraniwan na ngayon ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na isang kamay ang nasa manibela samantalang ang kabilang kamay ay hawak ang cellphone gamit sa pagtawag o sa pagte-text. Hindi kataka-takang maraming aksidente ang nangyayari dahil sa mga gawaing tulad nito.
Panahon na upang wakasan ang maraming kamaliang ginagawa ng mga drayber. Kabilang dito ang panonood ng palabas sa TV samantalang bumibiyahe, pakikinig ng musika nang naka-headset, kung kaya hindi na marinig ang busina ng ibang sasakyan o sinasabi ng pasahero at pagbabasa ng text samantalang tumatakbo ang sasakyan. Kapansin-pansing maraming aksidente ang nauugnay sa distracted driving o pagmamanehong naaapektuhan ang atensiyon ng drayber. Hindi magtatagal ay matatapatan na nito ang taas ng bilang ng aksidente kaugnay ng drunk driving.
Nananawagan tayo sa mga kinauukulan na dapat na mahigpit at pangmatagalan ang pagpapatupad ng batas. Hindi lamang ng RA 10913, bagkus lahat ng batas. Tanggalin na natin ang pangit na nakagawian, na hanggang simula lamang at pagkaraan ay balewala na ang batas. Dagdag dito, sana’y huwag gamitin sa pangongotong ang pagpapatupad ng batas na ito. Nakalulungkot na maraming batas ang maganda ang layunin subalit sa halip na mapaganda ang takbo ng ating pamumuhay ay buhay lamang ng mga humuhuli ang gumanda.
Bangon na, Pilipinas!