Ramdam mo na ba ang init ng panahon? Tara na’t palamigin natin ang summer sa pamamagitan ng mga sumusunod na tips ‘on how to stay cool’ ngayong tag-init.
Uminom ng maraming tubig
Ngayong summer, napakahalagang mabatid natin na ang pag-inom ng 8 hanggang 10 baso ng tubig araw-araw ay napananatiling hydrated ang ating katawan laban sa init ng panahon.
Damit na magaan sa pakiramdam
Nakapagpapagaan ng pakiramdam ang pagsusuot ng maninipis at banayad o mapupusyaw na kulay ng damit. Ang labis na katingkaran ng damit ay may kinalaman sa pagtaas ng body temperature ng tao sa pagtama ng init ng araw sa damit.
Pagligo
Nakatutulong sa pagpapababa ng temperature ng katawan at nakapagpapagaan ng pakiramdam ang madalas na pagligo ngayong tag-init.
Mga prutas at gulay
Ngayong tag-init, kumain ng mga prutas na sagana sa citrus at mayaman sa tubig tulad ng pakwan, mansanas, ubas, peras, saging, melon at orange. Idagdag pa ang mga gulay na mayaman sa tubig tulad ng pipino, repolyo, kamatis, lettuce, mais, labanos, carrots at madadahong gulay.
Pahinga at pagtulog
Ugaliing magpahinga at matulog nang sapat ngayong tag-init upang mabawi ang lakas ng katawan mula sa pagod at panghihinang hatid ng init ng panahon.
Pag-iwas sa pag-inom ng mga inuming mataas ang alcohol, caffeine at sugar content
Nakapagpapalala ng dehydration o kawalan ng tubig ng katawan ngayong tag-init ang pag-inom ng mga inuming mataas ang alcohol content tulad ng alak, mga inuming mataas ang caffeine content tulad ng kape at mga pampalamig na mataas ang sugar content gaya ng softdrinks at artificial juice.
Paggamit ng payong o sombrero laban sa sikat ng araw
Sa tuwing lalabas ng bahay sa ilalim ng katirikan ng araw at init ng panahon, mas makabubuting gumamit ng payong o kaya nama’y balabal o sombrero.
Paglalagay ng sunblock sa katawan
Karamihan sa atin ngayong tag-init ay naghahanap ng mga patok na pasyalan at paliguan tulad ng swimming pool at beach resorts. Mas mainam, na bago magbabad sa tubig sa katirikan ng araw ay maglagay ng tamang dami ng sunblock sa katawan upang maiwasan ang sunburn at iba pang skin-related diseases.