Alam ba ninyo kung anong pagkain ang dapat na ibigay sa maysakit? Kailangan ng mga maysakit na makakain ng masusustansiyang pagkain upang hindi sila mabawasan ng tinatawag na ‘powers’ o panghihina ng pangangatawan.
Kung ang pasyente ay may pangangasim ng sikmura o ulcer, sundin ang mga payong ito. Para sa mga may lagnat o dengue, ingatan din natin na huwag mairita ang tiyan at baka magasgas ito.
KAILANGANG BAWASAN O IWASAN ANG MGA PAGKAING KATULAD NG MGA ITO:
- MAAASIM – Bawasan ang pag-inom o pagkain ng may calamansi, purong orange o lemon juice at suka. Nakadadagdag ang mga ito sa acid sa tiyan.
- MAAANGHANG – Iwasan ang maaanghang dahil puwedeng makahapdi ng sikmura ang mga ito.
- MAIITIM NA PAGKAIN TULAD NG DINUGUAN, TINTA NG PUSIT AT DARK CHOCOLATE – Para sa may dengue, iwasan ang pagkaing maiitim dahil iitim din ang dumi at malilito ang mga duktor kung nagdugo ba ang tiyan ng pasyente.
- MAMANTIKA AT MATA TABANG PAGKAIN – Nagpapabagal ang mantika at taba sa galaw ng ating bituka. Dahil dito, mas tatagal ang acid sa ating tiyan.
- INUMING MAY CAFFEINE TULAD NG KAPE – Ang kape ay nagpaparami ng acid sa ating tiyan. Maraming pasyenteng may pangangasim ng sikmura ang gumagaling kapag itinigil nila ang pag-inom ng kape. Kung gusto pa rin, hanggang isang tasa lang ng kape ang puwede.
MAINAM NA KAININ PARA SA MGA MAYSAKIT:
- LUGAW O AM – Lagyan ito ng asin at kaunting ulam. Malambot ang lugaw, medaling tunawin at mainit pa sa tiyan. Mayroon itong carbohydrates na nagpapalakas ng katawan.
- NILAGANG MANOK – Ang chicken soup ay nagpapabilis sa paggaling ng trangkaso at sipon. Ito ay dahil sa taglay nitong cysteine, isang natural na amino acid. Masustansiya ang sabaw nito at nagpapalabnaw rin ng plema.
- SAGING – Ang saging ay may sangkap na ‘flavonoid leucocyanidin’ na pinoprotektahan ang ating tiyan laban sa ulcer. May potassium din ang saging na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
- KANIN AT ISDA – Magandang kombinasyon ang kanin at isda dahil nakokompleto ng mga ito ang protinang kailangan ng katawan. Sabawan din ang kanin para lumambot ito at madaling kainin.
- UMINOM NG MARAMING TUBIG – Ito ay para bumaba ang lagnat at huwag ma-dehydrate.
- MAGPAHINGA INUMIN ANG GAMOT AT KUMAIN NANG TAMA- Ang mga ito ang sikreto sa mabilis na paggaling. Mas maganda sa maysakit na kumain nang madalas ngunit pakauntikaunti lamang. Ito’y para hindi mahirapan ang tiyan sa pagtunaw ng mga pagkain.