PINAS

Terorismo: Pumipilay sa industriya ng turismo

Nagdadalawang-isip ang mga dayuhang turista kung sila ay tutuloy o hindi na bumisita sa magagandang pook-pasyalan sa Lalawigan ng Palawan, bunsod ng travel advisory na ipinalabas kamakailan ng Estados Unidos, maging ng ibang bansa dahil sa banta ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG), na pinaniniwalaang nagbabalak maghasik ng kaguluhan sa naturang lalawigan.

Ang ASG ay kilalang terrorist group nanambibihag ng mgadayuhan, maging ng mga local na mamamayan ng Pilipinas at saka ipatutubos sa malaking halaga. Kilala rin ang gawang kabuktutan ng bandidong grupo na namumugot ng ulo ng kanilang mga bihag kapag hindi nagbigay ng ransom money.

Matatandaang sa isang sikat na tourist spot sa Palawan, sa Dos Palmas Resort, sa parte ng Honda Bay naganap ang pagdukot ng ASG sa mga dayuhan sa pangunguna ng mag-asawang misyonerong sina Martin at Gracia Burnham at ang isa pang dayuhan na si Guillermo Sobero noong Mayo 27, 2001. Unang pinugutan ng ulo ng ASG si Martin samantalang si Gracia ay na-rescue ng militar.

Dahil sa naturang travel advisory, nanariwa sa isipan ng mga turistang banyaga ang kidnapping incident na nangyari sa Dos Palmas Resort, kaya nangangamba ang mga turistang lokal at banyaga na magtungo sa Palawan.

Naniniwala ang pamunuan ng Western Command (WESCOM) na hindi basta-basta magpapahayag ng travel advisory ang US embassy kung wala silang basehan.

Ayon kay WESCOM Chief Lt. Gen. Raul Del Rosario, malaki ang network ng US kaya may nakakalap sila ng gayong impormasyon.

Kabilang umano sa kanilang nakuhang impormasyon ay ang gagawing pagsalakay ng mga bandido sa Coron. Nakuha ng WESCOM ang nasabing report na planong salakayin ng mga bandidong ASG ang Coron sa Palawan matapos ang insidente sa Bohol subalit hindi pa umano validated o hilaw pa ang naturang impormasyon, ayon sa sariling intelligence ng Armed Forces of the Philippines (AFP).