Kung mayroon mang istoryang paulit-ulit at tila wala nang katapusan ay itong istorya ng presyo ng petrolyo sa merkado. Maraming dekada na ang nagdaan, nagpapatuloy ang paggalaw ng presyo ng langis sa merkado.
Ang buong mundo ay nakadepende sa petrolyo. Ang mga sasakyang panlupa, pantubig at panghimpapawid ay ginagatungan ng petrolyo para umandar. Ang oil exporting countries ay patuloy sa pagpo-produce ng langis sa mga bansang umiimporta nito tulad ng Pilipinas.
Hindi lang ang mga behikulong de-motor ang gumagamit ng langis, kundi maging ang mga dambuhalang planta ng kuryente ay langis din ang nagpapaandar, kaya kung ang langis ay biglang mawawala, mapipilay ang industriya ng transportasyon at industriya ng manupaktura.
Kaya sa tuwinang may nangyayaring problema sa mga bansang exporter ng langis tulad ng Middle East (ME) countries, naaapektuhan ng problema ang eksportasyon ng langis.
Halimbawang may nangyaring kaguluhan sa Gitnang Silangan, tiyak na gagalaw ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Kapag nangyari ang gayon, lumilikha iyon ng domino effect sa world market.
Dahil hawak ng malalaking negosyante ang industriya ng langis, sila ang nagdidikta ng presyo nito. Dito sa Pilipinas, ang Department of Energy (DOE) ang nagbibigay ng babala sa publiko sa pamamagitan ng tri-media kapag may mangyayaring pagbaba o pagtaas ng presyo ng langis.
Maagap naman ang mga oil player dito sa Pilipinas at kapag klaro ang balita na magtataas ng presyo ng diesel, gasoline at kerosene na magsisimula ng alas-dose ng hatinggabi, kinaumagahan, magigisnan na lang ng mga motorista ang pagbabago sa presyo sa karatulang nakapaskil sa mga gas station.
Ang masaklap sa lahat, mas mataas ang nangyayaring oil price hike kaysa sa rollback ng petroleum products. Halimbawang tumaas ng tatlong piso kada-litro ang petrolyo, bihirang mangyari na tatlong piso rin ang ibababa kapag may mangyayaring rollback.
Ang utay-utay na pagtapyas sa presyo ng langis pababa ang kalimitang nangyayari. Itataas ng piso, ibababa ng 50 sentimos at isusunod na muli ang 50 sentimos pang rollback.
Kaya kapag may magandang balita tungkol sa pagpapatupad ng rollback sa petroleum products ang oil companies, ilang araw lang na mae-enjoy ng mga motorista ang pagbaba ng halaga ng gasolina at krudo dahil ang kasunod niyon ay ang oil price hike. Ang senaryong ito ay paulit-ulit na lang — ang walang katapusang istorya sa merkado ng petrolyo.