Tatlumpu’t apat na katao ang nasawi dahil sa nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila kaninang madaling-araw.
Sa kumpirmasyon ni NCRPO Director Oscar Albayalde, suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.
Karamihan aniya sa mga biktima ay mga babae na natagpuan sa ikalawa’t ikatlong palapag ng gusali.
Wala pa namang detalye ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Samantala, kinumpirma din ng pamunuan ng Resorts World Manila na nag-iisang gunman lang ang umatake sa lugar. Matapos ang pamamaril ay agad din itong nagpakamatay sa pamamagitan ng pagsunog nito sa kanyang sarili.
Sa isang statement, sinabi ng Resorts World na nasa tatlumpu’t pito na ang patay at limampu’t apat katao ang kanilang dinala sa ospital para mabigyan ng atensyong medikal.
Kasalukuyan na umanong nagsasagawa ng search and rescue operations sa lahat ng palapag ng gusali ang Bureau of Fire Protection.
Ikinalulungkot naman ng pamunuan ng hotel and casino ang nangyari.
pero naniniwala ito na malalagpasan din ang nasabing trahedya.