Inaresto kagabi ang dating mayor ng Marawi City na si Fajad Salic dakong alas-7:30 ng gabi sa isang checkpoint sa Brgy. San Martin, Villanueva, Misamis Oriental.
Dinala si Salic sa Camp Vicente Alagar, sa Brgy. Lapasan.
Nahaharap ngayon ang dating mayor sa kasong paglabag sa Article 143 ng Revised Penal Code ng Pilipinas o kasong rebelyon.
Una nang itinanggi ni Salic na may kinalaman siya sa teroristang grupo.
Ayon pa sa dating mayor, hindi niya umano sinusuportahan ang grupong Maute ngunit inamin niyang tatlong beses itong nakausap nang atasan ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na kausapin ang grupo upang kumbinsihing makipagdayalogo sa pamahalaan tungkol sa kapayapaan sa Mindanao.
Sinabi rin ni Salic na naniniwala siyang alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ginawang pakikipag-usap sa teroristang grupo.