NI: MITE CALZO
LAGING sila ang pinakamayaman sa lugar, nakatira sa malaking bahay o sa loob ng isang compound na pinalilibutan ng mataas na bakod; sila ang may-ari ng malaking tindahan sa kanto o ng malaking negosyo sa looban na labas-masok ang mga delivery truck.
“Intsik” ang tawag ng mga Pilipino sa kanila, isang salitang may halu-halong damdamin para sa karaniwang Pinoy — may kaakibat na paglibak, pangmamaliit, pagkainggit, paghanga at maging paggalang. Isang enigmatikong tao ang Intsik para sa Pilipino dahil sa taglay nilang yaman at tagumpay.
Ngunit malayo sa karaniwang Pilipino ang negosyanteng Intsik dahil madalas ay makikita lamang sila na papasok o palabas ng magarang sasakyan o kaya’y sa loob ng de-salaming bahagi ng tindahan, kung saan ay naroroon ang rehistro ng pera. Hindi rin sila makausap dahil may kasungitan din naman at mahirap kayong magkaintindihan dahil siya’y Intsik, ikaw ay Pilipino.
Hindi naman lahat ng mga Intsik sa Pilipinas ay matagumpay, kahit na tinatayang sangkatlo o one-third ng top 1,000 na korporasyon sa Pilipinas ay pagmamay-ari ng mga Intsik. Hindi pa kabilang dito ang daan-daang libong mga hardware, mga grocery, mga tindahan, mga boutique, parmasya na makikita saanmang dako ng bansa.
MATIISIN ANG MGA INTSIK
May dahilan kung bakit madalas nagtatagumpay ang mga negosyanteng Intsik. Hindi maipagkakaila ng sinuman na masipag ang mga ito, disiplinado, hindi takot magtrabaho at matipid sa pera.
Halimbawa na lang si David Zhang o Zhang Li Wei sa totoo nitong pangalan, na may-ari ng isang malaking manupaktura ng goma sa Maynila.
“Disinuwebe anyos pa lang si Zhang noong tumawid ito mula Tsina patungo sa Pilipinas upang magtrabaho sa kanyang tiyuhin na may malaking tindahan sa Binondo,” kuwento ni Mang Lando, dating driver-bodyguard-assistant ni Zhang hanggang sa magretiro ito sa edad na 75.
“Sa mga Intsik, kahit kamag-anak o kapamilya, kailangang magtrabaho,” ayon pa sa dating bodyguard, “kaya all-around ang trabaho ng dati kong amo sa tiyuhin niya noong panahong iyon – kargador, tindero, drayber, boy, tagabilang ng paninda… lahat dinaanan niya.”
Singkuwenta pesos araw-araw umano ang sinusuweldo ni Zhang sa tiyuhin nito. Ang P30 ay itinatabi nito para sa pagkain at pansariling pangangailangan at ang P20 ay ipinapasok sa bangko.
Nang nakaipon na nang kaunti si Zhang, humiwalay ito sa tiyuhin at nagsimulang magtinda ng mga gamit na gawa sa goma sa tabi ng isang kalsada sa Maynila. Lumaki ang kita nito, naging P100 na araw-araw. Gayunpaman, ang P30 pa rin ang itinatabi ni Zhang para sa pagkain at ang P70 ay ipinapasok sa bangko.
“Halos sa tabi lang ng kalsada noon natutulog si boss nu’ng nagsimula siya,” kuwento pa ng dating bodyguard. “Hindi kasi takot sa paghihirap, kayang-kaya niyang magtiis.”
Di-kalaunan, dumoble pa nang dumoble ang kita ni Zhang ngunit ganoon pa rin ang gawi nito — P30 para sa sarili, ang tira’y ipinapasok sa bangko para gamitin muling pampuhunan.
“Marunong kasing magtipid ang mga Intsik,” kuwento pa ni Mang Lando, “di-tulad ng maraming Pilipino, kumita lang nang kaunti, mangungupahan na ng malaking puwesto, magsusuweldo na ng tindera, ng maid, mangungutang na ng magagarang gamit.”
Iba rin naman ang halimbawa ni Eric, 26, isang Intsik na nakabase naman sa Guangzhou, China, na may-ari ng isang negosyong nagpapadala ng kargamento sa maraming dako ng mundo.
Limang taon pa lamang ang nakararaan, noo’y empleyado pa lang si Eric sa isang kumpanya sa siyudad. Sa tulong ng kaibigang si Adelle, isang negosyanteng Pilipino na pabalik-balik sa Guangzhou, nagkaideyang kumuha ng lisensiya para sa forwarding business.
Unang kliyente niya, siyempre ay si Adelle.
“Nagsimula si Eric na siya lang mag-isa sa kanyang negosyo, siya lahat ang gumagawa ng trabaho, katabi lang niya ang telepono at computer,” kuwento ni Adelle, “Ngayon, kahit marami na siyang pera, siya pa ring mag-isa sa kanyang negosyo, sa kanya pa rin lahat ng trabaho.”
“Kung saan-saan na nagpapadala ng kargamento si Eric,” dagdag pa niya, “pero ang opisina niya ngayon ay opisina niya pa noon. At may sideline pa, kung anu-ano ang iniaalok na paninda sa online.”
MGA TURO NI CONFUCIUS, FAN LI
May kalamangan kasi ang mga Intsik sa mga Pilipino pagdating sa asal at ugali dahil sa matibay na pundasyon ng mga ito sa pagtuturo ni Confucius.
Bukod sa mga kaugaliang una nang nabanggit, kasama rin sa magagandang pagtuturo ni Confucius ang katapatan sa pamilya at respeto sa mga magulang. Kaya’t sa murang edad, tinuturuan nang magtrabaho ang mga anak sa family business, hindi lamang sa likod ng counter para magbilang ng pera, kundi sa lahat ng uri ng trabaho mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas.
Samantala, ang pundasyon naman ng mga Pilipino ay ang ugaling Español na mahilig sa siesta, fiesta at manyana.
Ang mga prinsipyo sa pagnenegosyo ang nakuha naman ng mga Intsik sa mga salita ni Tao Zhung Go, isang taipan sa antigong panahon ng bansa.
Kung pag-aaralan ang mga turo ni Tao ay makikita na ang prinsipyo ng mabuting pagnenegosyo ay pareho ngayon at maging sa unang panahon.
Kabilang sa mga pagtuturo mula sa taipan ang kilalang prinsipyo na “tubong Intsik” – maliit na kita ngunit mabilis na pagbebenta.
Ayon sa mga eksperto, ito pa rin ang ginagamit na istratehiya ng maraming mega-companies katulad ng SM, Mang Inasal, Jollibee, Bench at maging ng maliliit na mga kumpanya katulad ng mga tindahan sa Divisoria, Maynila, kung saan ay 90% ng mga ito ay Chinese-owned.
Narito ang ilan pa sa mga turo ni Tao:
- Huwag magpadalus-dalos sa mga plano at desisyon, kundi tutukan ang negosyo at matutong kumilala ng mga oportunidad at pagkakataon.
- Huwag sumalungat sa daloy ng negosyo sa pangkalahatan ngunit sumabay sa agos dahil kung mababa man ang presyo ng mga bilihin, ito rin ay aakyat muli.
- Huwag dayain ang customer, dahil walang ibang mabuting pundasyon sa negosyo at pakikitungo, kundi ang pagiging matapat.
- Iwasan ang magulong tindahan dahil nakaaakit sa mga customer ang maayos at magandang presentasyon.
- Maging halimbawa sa mga empleyado, hindi pabagu-bago ang mga patakaran, lalung-lalo na para sa mga customer.
- Huwag umutang nang labis. Huwag ding labis na magpautang, kundi’y siguruhing lagi ang koleksiyon.
- Maging dalubhasa sa pamimili ng paninda para kumita nang malaki at maiwasan ang pagkalugi. Ngunit huwag namang tumawad nang sobra nang hindi maging malupit sa kapwa.#