Pinas News
Dumating na sa Metro Manila kagabi si Cayamora Maute, na ama ng Maute brothers, mga pinuno ng teroristang grupong sangkot ngayon sa kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) magkasamang sumakay sa C-130 papuntang Villamor Air Base dakong alas-10:30 ng gabi sina Cayamora kasama ang asawa nitong si Kongan Alfonso Balawag, ang anak na babae na si Norjannah Tingao at asawa nitong si Benzar Ali Tingao.
Una nang inaresto si Cayamora noong Martes, Hunyo 6, sa isang checkpoint sa Sirawan, Toril, Davao City. Naniniwala ang AFP na malaking kawalan at makapagpapahina sa loob ng magkapatid na Maute ang pagkakaaresto sa ama.
Samantala, inaresto rin kagabi ang dating mayor ng Marawi na si Salic Umpar Fajad na nahaharap ngayon sa kasong rebelyon.