Inalis na ng Pambansang pulisya ang anggulo ng terorismo bilang motibo sa nangyaring pamamaril sa Resorts World Manila sa Pasay.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, wala ang elemento ng karahasan, pagbabanta, at intimidation.
Hindi rin umano sinaktan ng suspek ang guwardiyang humarang sa kanya.
Dagdag pa ni Dela Rosa, kung terorista ang suspek dapat ay nagsuot na lang ito ng bomba.
Tanging pagnanakaw lang aniya ang pakay ng suspek sa nasabing casino.
Isinantabi rin ni Dela Rosa ang mga ulat na inako ng isis ang pag-atake dahil wala naman aniyang sinaktan ang suspek.
Nasa tatlumpu’t apat na ang patay sanhi ng suffocation at limampu’t apat katao ang sugatan sa nasabing pag-atake.
Isolated robbery incident
Binigyang-diin ng Malacañang na ‘isolated robbery incident’ lamang ang nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na patay na ang nag-iisang gunman.
Inabisuhan din ni Abella ang publiko na iwasang magtungo sa nasabing lugar.
Nirerekober na ang mga sugatan sa nangyaring stampede na gagamutin naman ng emergency medical services at ng mga kalapit na ospital.
Nagsasagawa naman na aniya ng room-to-room clearing ang pulis at special action force para matiyak na na-rescue ang lahat ng nasa gusali nang mangyari ang insidente.