Inalarma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mananakay at motorista patungong eastern Metro Manila at Rizal na asahan ang matinding trapik sa Marcos Highway dahil sa construction ng Light Rail Transit 2 Extension Project-Package 2 na sisimulan na ngayong buwan.
Sa abiso ng MMDA, magpapatupad sila ng traffic management plan sa loob ng isang taon habang ginagawa ang mga bagong istasyon ng LRT sa (Emerald station) na matatagpuan sa harapan ng Robinsons Metro East at Santa Lucia sa Cainta, Rizal at Masinag Station na matatagpuan naman sa Masinag Junction sa Antipolo City.
Nabatid, na dalawang lanes sa Marcos Highway, east at southbound, mula Cornel Hospital hanggang SM City Masinag ay isasara sa mga motorista simula ngayon Hunyo 1, 2017 hanggang Hulyo 13, 2018 para bigyan daan ang konstruksiyon ng Emerald Station.
Payo ng MMDA sa mga motorista gumamit na lamang ng mga alternatibong ruta upang hindi maapektuhan sa mabagal na daloy ng trapiko.
Bilang alternatibong ruta, ang mga behikulong mula Sumulong Highway hanggang Marcos Highway intersection, patungong Cubao at C5 Road ay maaring dumaan sa Sumulong Highway, A. Bonifacio Avenue patungong Aurora Boulevard, via Ortigas Avenue.
Yung mga sasakyan namang mula Cubao o C5 Road patungong Antipolo City ay maaring dumaan sa A. Bonifacio hanggang Sumulong Highway.
NI: MIKE ALMONTE – Pinas Global Newspaper