NI: VICK AQUINO TANES
ALAM n’yo ba na ang kasoy ay ang sagot sa sikat na bugtong na “May isang prinsesa, nakaupo sa tasa?”
Kilalang tanim ang kasoy dahil sa buto nito, na may tila mani na nakalabas at matamis na dilaw na bunga.
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang kasoy ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansiyang may benepisyo sa kalusugan.
Ang bunga nito ay makukuhanan ng starch, sitosterin, cardol, anacardic acid at lignoceric acid.
Ang langis na makukuha rito ay may linolic acid, palmitic acid, stearic acid, lignoceric acid at sitosterin. Ang buto ay may taglay naman na langis, protina, nitrogen, crude fiber at carbohydrates. Ang kahoy ay may catechin samantalang ang dahon naman ay may carbohydrates, proteins, saponin glycosides, flavonoids, alkaloids, tannins at phenolic compounds.
Ilang bahagi ng halamang kasoy na maaaring gamitin bilang gamot
- Dahon. Karaniwang ginagamit ang dahon sa pamamagitan ng paglalaga nito at pag-inom na parang tsaa. Ang batang dahon naman ay maaaring gulayin.
- Balat ng kahoy. Maaaring ilaga rin ang balat ng kahoy kasama ng dahon para magamit sa panggagamot.
- Bunga. Ang bunga ay maaaring kainin lamang.
- Langis. Ang langis na maaaring makuha sa bunga, balat ng bunga at buto ay maaari ring gamitin sa panggagamot na kadalasan ay ipinampapahid.
Mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng kasoy
- Pananakit ng ngipin. Ipinangmumumog ang pinaglagaan ng balat ng kahoy at dahon ng kasoy upang mabawasan ang pananakit ng ngipin.
- Sore throat. Ang pananakit ng lalamunan ay maaari ring maibsan sa pamamagitan ng pagmumumog sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasoy.
- Pagtatae at disinterya. Pinakukuluan ang bunga ng kasoy sa tubig na hinaluan ng asukal upang maibsan ang pagtatae. Maaari ring gamitin ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasoy.
- Diabetes. Ginagamit sa kondisyon ng diabetes ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasoy. Ito ay ipinaiinom sa taong dumadanas ng sakit.
- Scurvy. Makatutulong naman ang pagkain sa bunga ng kasoy para agad na gumaling sa sakit na scurvy.
- Psoriasis. Ginagamitan naman ng langis ang balat ng apektado ng psoriasis.
- Problema sa pag-ihi. Ang pag-inom sa katas ng bunga ay makatutulong naman sa problema sa pag-ihi.
- Rayuma. Nakatutulong din sa pananakit ng mga kasukasuan dahil sa rayuma ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng kasoy.