Naitaas at naiwagayway na sa Marawi City ang watawat ng Pilipinas bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ito ay sa kabila ng mga naririnig na malalakas na pagsabog at sunud-sunod na mga putok ng baril samantalang isinasagawa ang flag-raising ceremony sa Marawi City Hall at Lanao del Sur Provincial Capitol.
Dumalo sa flag raising ang mga lokal na opisyal, government forces at maging mga residente roon.
Emosyonal namang nagbigay ng talumpati si Marawi Mayor Majul Usman Gandamra sa kanyang mga residente na manatiling magkaisa sa kabila ng krisis na kanilang nararanasan.
Ipinakalat din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bandila ng Pilipinas sa iba pang sulok ng Marawi.