Ipinahayag ng Philippine Savings Bank (PSBank), isang thrift bank na sangay ng Metrobank Group, ang takdang araw para sa pag-alis ng bisa sa lahat ng non-EMV cards sa layuning magbigay sa mga kliyente nito ng ligtas na produkto at serbisyo.
“All non-EMV PSBank cards can no longer be used beginning September 1, 2017,” ayon sa PSBank.
Hinikayat ng naturang bangko ang mga kliyente nito na palitan ang mga non-EMV cards sa kahit saang sangay ng PSBank. Magiging libre umano ang ang unang pagkakataon sa pagpalit ng card.
Nagsimulang mag-isyu ang PSBank ng EMV chip-enabled cards nakaraang Enero 3, 2017 at lahat ng mahigit 600 ATMs nito ay nakahanda na para sa EMV.
Madali lamang umano ang pagpalit ng card kungsaan bibisita ang mga kliyente sa anumang sangay na bangko bitbit ang lumang card ng mga ito at isang balidong ID na inisyu ng gobyerno.
Samantala, sinabi ng PSBank Flexi accountholders na ipadadala ang mga card sa pamamagitan ng courier sa adres ng kanilang opisina habang hiwalay namang ipadala ang PIN sa adres ng kanilang bahay.
Ang pagpalit ng lumang card ng PSBank sa EMV chip-enabled cards ay naaayon sa isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas Circular No. 859 o ang Europay, Mastercard and Visa Implementation Guidelines.
Sa pamamagitan ng paggamit ng EMV chip-enabled cards, magiging ligtas ang mga cardholders mula sa mga insidente sa pagnanakaw at maiwasang mangamba sa paggawa ng card transactions.