NI: ATTY. JUVIC C. DEGALA (ciocoach@yahoo.com)
SUNUD-SUNOD ang malalakas nap ag-ulan at muling naranasan sa iba’t ibang lugar sa bansa ang pagbaha. Minsan ay sumasabay ito sa high tide, kung kaya malala ang pagbaha at matagal humupa. Tulad ng inaasahan,lahat ng sisi ay ipinupukol sa pamahalaan at matinding batikos ang inaabot ng mga nanunungkulan. Madalas din ay sinasabing may kurapsiyon sa pagawain dahil diumano ang bilyun-bilyong flood control projects ay ginagawang gatasan lamang.
Ako ay naiinis na sapagkat parating pagtataas ng kalsada at drainage ang ginagawa. Hindi naman ito ang solusyon sabaha, na sa totoo lamang ay dagdag-pahirap sapagkat sa kabahayan pumupunta ang tubig. Nakausap ko ang inihinyero mula sa Department of Public Works and Highways(DPWH) at ipinaliwanag sa akin na ang layunin ng pagtataas ng mga kalsada ay upang masigurong mananatili ang panlupang transportasyon na pangunahing kailangan para makalikas ang mga tao at maiparating ang tulong at responde sa sandaling magkaroon ng kalamidad. Aminado ang inihinyero na aking nakausap na ang mga itinatayong dike, sea wall, check gates, paghukay sa daluyang tubig, paglilinis ng basura, pati na pagpapaluwang sa mga kanal at drainage ay kaunti lamang ang naitutulong sa paglutas sa pagbaha. Pantawid lamang ito o panandaliang solusyon.
Nagsaliksik din ako sa trabaho ng mga eksperto at nakapanlulumo ang aking nadiskubre. Dati, ang natukoy na dahilan ng pagbaha ay ang pagkakalbo ng mga kabundukan, ang pagtatapon ng basura kung saan-saan, angp agbabaw ng katubigan dahil sa burak at basura, ang pagbabara at pagtatambak sa mga dating daluyan o pinupuntahan ng tubig. Ngayon ay natuklasang tumaas ang karagatan dahil sa pagkatunaw nang mas maraming yelo bunsod ng global warming. Dagdag dito, bumababa ang kalupaan (land subsidence) dahil sa mabilis at malawakang pagsipsip ng tubig mula sa ilalim ng lupa para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng lumalaking populasyon.
Sa madaling-salita nasa sa tao ang kalutasan ng pagbaha. Ang dahilan ng global warming ay polusyon at ang pagbaba ng lupa ay dulot ng mabilis na paglaki ng populasyon. Masakit sabihing sa kabila ng malaking pondo na ang naubos ay wala pa ring epektibo at kongkretong hakbang upang mabawasan ang polusyon at populasyon.
Kailanpa tayokikilos?