NI: ATTY. JUVIC C. DEGALA (ciocoach@yahoo.com)
KUMUKULO ang dugo ko sa balita na ang mga namatay sa Resorts World Manila (RWM) ay nawalan ng mahahalagang gamit tulad ng alahas, relo, pera at cellphone. Kawawa na nga at namatay sa walang kuwentang karahasan, pagkatapos ay napagnakawan pa. Wala itong ipinagkaiba sa mga naaksidente sa lansangan, kung saan sa halip na tulungan ng mga nakakita ang mga napinsala ng aksidente ay pinagnanakawan pa.
Sana ay maimbestigahang mabuti ang may kagagawan ng pagnanakaw para makasuhan at mapanagot. Kung kawani ng pamahalaan ay marapat na alisin sa panunungkulan.
Makalipas ang ilang araw ay nakaiinis na mapanood sa telebisyon na maraming bahay sa Marawi City ang nalooban at natangay ang mahahalagang gamit ng mga residenteng napilitang lumikas dahil sa bakbakan doon sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kalaban ang teroristang ISIS-Maute group. Nakapagtataka na sa gitna ng matinding kaguluhan at pag-iral ng Martial Law ay may mga naglalakas-loob pa na magnakaw. Mauunawaan ko pa siguro kung pagkain ang ninakaw pero tahasang kawalanghiyaan at gawaing kriminal ang magnakaw ng mahahalagang bagay. Sa kabilang-banda, may ilang nahuli na sinasabing magnanakaw at napakasuwerte nila na buhay pa sila.
Sana ay magpasa ng batas ang Kongreso na itaas ang parusa sa mga nagnanakaw sa mga nabiktima ng mga pangyayaring hindi pangkaraniwan. Masamang gawain ang pagnanakaw at lalong pinasama ito kapag ang pinagnakawan ay wala sa normal na situwasyon tulad ng biktima ito ng aksidente o anumang insidenteng nagdudulot ng takot at pagkalito. Kung maibabalik ang parusang bitay ay dapat isama ang ganitong pagnanakaw sa maparurusahan ng kamatayan. Sagrado ang buhay ng tao subalit ang mga halang ang bituka ay walang puwang sa ating lipunan.
Marapat din sigurong ipaalaala sa mga awtoridad na bahagi ng kanilang tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng mga biktima ng insidente. Maliban sa masusing pag-iimbestiga ay imbentaryuhan din agad ang mababawing mga kagamitan ng mga biktima. Ang pag-iimbentaryo ay dapat saksihan ng ibang tao para maiwasan ang agam-agam.
Pagtulungan nating sugpuin ang nakagawiang dalawang beses napipinsala ang mga biktima upang huwag nang madagdagan pa ang kanilang pagdurusa.