DAPAT na ‘sunggaban’ ng Pilipinas ang mga pagkakataon ng One Belt One Road (OBOR) initiative ng bansang China dahil malaking pakinabang ito para sa ekonomiya ng bansa.
Taong 2013 nang unang ipakilala ni Chinese President Xi Jinping ang OBOR sa mundo — isang adyendang pangkaunlaran na mag-uugnay sa buong Asya, Europa at Africa sa pamamagitan ng lupa at dagat.
Sa pamamagitan ng OBOR, balak ng China na tulungan at pahiramin ng puhunan ang mga bansang nasa palibot o madadaanan ng plano para makagawa ng mga imprastrakturang magpapasigla sa kalakalan sa rehiyon.
Magbubukas ang maraming merkado para sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng OBOR, na magtutulak naman sa pagtatayo ng maraming industriya at pagkakaroon ng libu-libong trabaho.
Tinatayang sasakupin ng plano ang mahigit 60 ekonomiya, 4 na bilyong populasyon, 65% ng kalakalan sa lupa at 30% naman ng kalakalan sa dagat, na may kabuuang halagang $21 trilyon.
Ang bansang Kenya sa Africa ang isa sa mga una nang nakinabang sa OBOR nang maitayo nito ang kauna-unahan nilang ‘fast train service’ na hindi lamang tatakbo mula sa capital nila sa Nairobi hanggang sa pantalan nila sa Mombasa, kundi mag-uugnay rin sa kanila sa iba pang bahagi ng Silangang Africa.
Kung matalino nating mapangangasiwaan ang relasyon natin sa bansang China hinggil sa problema natin sa West Philippine Sea (WPS) at samantalang nakikitungo rin sa kanila sa mga bagay na may kinalaman sa sarili nating mga pangangailangan sa imprastraktura at industriya, nakatitiyak na uusad ang ekonomiya katulad ng inaasam sa ilalim ng “Dutertenomics” ng pamahalaan.
Isang malahiganteng planong pang-ekonomiya ang “Dutertenomics” na nakasalalay sa pagtatayo ng mga imprastraktura para makalikha ng mga trabaho at makahikayat ng mga imbestor na nadidismaya sa problema ng bansa sa kuryente, mahinang Internet at telekomunikasyon at kakulangan ng maayos na daan, tulay at iba pang mga imprastakturang kailangan upang mabilis na mailuwas ng mga kumpanya ang kanilang mga produkto at serbisyo sa patutunguhan dahil ang bawat aberyang mararanasan ng mga ito ay nangangahulugan din ng kawalan ng kita.
Sa OBOR, lalaki at bubuti rin ang kapaligiran para sa ating Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) hindi lamang sa loob ng Pilipinas, kundi mabubuksan din para sa kanila ang pintuan ng kalakalan sa marami pang bansa. Magandang pagkakataon ito para sa matatalino at sumisibol pang mga entreprenyur na Pinoy.
Ngunit kailangan din ng ibayong pag-iingat sa pakikipagkasundo sa OBOR dahil hindi ipinamimigay lamang ang salapi ng China, kundi mga utang ito na kailangang bayaran sa halagang milyun-milyon o bilyun-bilyon kada-taon.
Dapat ding tutukan nang seryoso ng pamahalaan ang paglaban sa kurapsiyon at pang-aabuso ng mga nasa hanay ng gobyerno upang matiyak na magagamit ang pondong nakuha para sa kaukulang mga proyekto.
Kailangan din ng matinding pagsasanay para sa mga kawani ng pamahalaan upang hindi masayang o magkaaberya ang mga proyekto dahil sa kapalpakan at kakulangan sa kaalaman. Iangat ang mga suweldo at kompensasyon ng government workers upang mahikayat ang matatalinong kabataan na pumasok sa trabahong panggobyerno.
Nararapat ding i-streamline ang mga proseso ng pamahalaan nang mapabilis ang pagsasakatuparan sa naturang mga proyekto at mapangasiwaan ang mga ito nang husto.
Ngunit ‘di tayo dapat mag-alinlangan, gayundi’y magpadalus-dalos sa ating mga desisyon hinggil sa OBOR. Kailangan natin ngayon ng matatag na pagpapasya para sa kabuhayan at kinabukasan ng buong sambayanang Pilipino na matagal nang naghihikahos.