NI: CHERRY LIGHT
Inaasahang mas maraming stranded at undocumented na Overseas Filipino Workers ang mapapauwi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa tulong ng pinalawig na amnestiya na ibinigay ng Saudi Arabia.
Ayon kay Undersecretary Dominador Say, 600 pang mga stranded at undocumented OFW sa nasabing bansa ang mapapauwi ng gobyerno sa mga susunod pang linggo.
Matapos na isapinal ang mga iskedyul ng flight sa mga opisyal ng Philippine Airlines, sinabi ni say na mayroon nang 600 OFW mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang napauwi na sa bansa mula noong Hulyo 7 hanggang 9.
Sa kabilang dako, lubos na hinihikayat ni say ang mga natitira pang stranded at undocumented OFW sa Saudi na samantalahin ang pinalawig na amnestiya dahil sa oras na Matapos na ang programa ay agad ring magsisimula ang paghuli at pag-aresto ng mga otoridad ng Saudi sa mga hindi dokumentadong dayuhan.
Sinabi pa ng opisyal ng DOLE na nagpadala na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng augmentation team sa saudi upang makatulong sa mga OFW na kukuha ng amnestiya at mapabilis ang pagpoproseso ng kanilang papeles. Ang grupo ay nakaalis na noong Hulyo 11.