NI: JHOMEL SANTOS
Hindi pa man humaharap sa pagdinig ay kumpiyansa na si Gov. Imee Marcos na malulusutan niya ang pagdinig ng kamara kasabay ng pag-apela niya na palayain ang Ilocos 6 ukol sa nakabinbing kaso ng iligal na paggamit ng 66.45 million pesos na tobacco funds ng Ilocos Norte.
Magugunitang naghain si Marcos ng petisyon sa Korte Suprema na mag-take over ito sa detention case nito na nakibinbin pa hanggang ngayon sa Court of Appeals.
Ani Marcos, ang kasong hinaharap nila ngayon ay problemang lokal lamang at dapat ay sa Ilocos Norte na lamang inayos at hindi na dapat ipinaabot pa sa Korte Suprema.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI news channel sa programang Usaping Bayan, dinepensahan rin ni Marcos na hindi totoo ang pahayag ni Fariñas na ghost project lang umano ang mga multicab at mga truck na binili para sa Ilocos.
Naapektuhan na rin umano ang operasyon ng kapitolyo dahil sa pagkakakulong ng Ilocos 6 dahil naantala ang pagpapasahod sa mga empleyado nito dahil nga kabilang sa accountant, treasury at planning operators ang Ilocos 6.
Umaasa rin si Marcos na gagawin ang imbestigasyon in aid of legislation at hindi umano in aid of persecution upang maging patas ang pagdinig na ito sa kongreso.
Sa kabilang banda, nagdadalawang isip pa rin si Marcos kung dadalo ba ito sa nalalapit na SONA ni Pang. Duterte sa darating na Hulyo abeinte-kwatro.