PINAS

 Higit 5 milyong pisong halaga ng smuggled na sibuyas, nasabat ng BOC

NI: MJ MONDEJAR

Nabulabog ang modus ng isang kumpanya matapos tangkaing magpuslit ng nasa dalawpu’t pitong libong kilo ng smuggled na sibuyas sa Port of Manila.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), Huwebes ng nakaraang linggo ng dumating sa kanila ang intelligence report na hindi bawang ang laman ng tatlong 40 ft. refrigerated container vans mula China.

May import permit sa bawang ang kumpanyang Equissence Import Export Corporation na nakabase sa Maynila subalit ng suriin ng Customs ang mga kargamento, tumambad  ang apat na row ng bawang na ginawang pantakip sa halos bulto bultong sibuyas na nasa loob.

Sa pagtatakda ng Department of Agriculture (DA), wala pang iniri-release na kahit anong import permit para sa sibuyas dahil sapat pa ang supply nito sa bansa.

Nangangahulugan, iligal ang ginawa ng importers at malulugi dito ang ating local farmers dahil siguradong kakalat ang mga bawang na ito sa pamilihan kung hindi pa ito nasabat ng mga otoridad.

Kapag napatunayang nagkasala, kakasuhan ang mga opisyal ng Equissence ng paglabag Anti-Agricultural Smuggling Act at ituturing ang kaso bilang heinous crime.

Iri-revoke naman ang permit ng importer habang nakatakda namang sirain ang mga sibuyas para hindi na kumalat sa merkado.