NI: MITE CALZO
Sinabi kamakailan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sang-ayon siya kung muling magdedeklara ng Martial Law si Pangulong Rodrigo Duterte,kahit hanggang limang taon sa pagtatapos ng panunungkulan ng pangulo.
Ayon sa mambabatas ng Davao del Norte sa Mindanao, kailangan na umanong wakasan ang kaguluhan sa rehiyon dahil hadlang ang problemang kapayapaan sa kaunlaran ng Mindanao. Naniniwalasi Alvarez na sa loob ng limang taon, kayang tapusin ni Duterte ang kaguluhan sa lugar.
Ngunit nakalilimot siguro ang House speaker na ang problema sa Mindanao ay hindi masosolusyonan sa pamamagitan lamang ng aksiyong militar. Hindi matatapos ang rebelyon at radikal na pag-iisip kahit pa ubusin ang lahat ng mga miyembro ng mga grupong ISIS sa Mindanao dahil isa na itong nagkakabuhul-buhol na problemang naka-ugat sa kalagayang kultural, ekonomiko, pulitikal, panlipunan at panrelihiyon.
Kaya bukod sa pagbibigay katiyakan sa seguridad ng bawat mamamayan sa Mindanao na dahilan kung bakit natatakot mamuhunan sa rehiyon ang mga kapitalista at kung bakit sa ngayon ay hanggang panaginip lamang ang panukala ni dating Tourism secretary at ngayon ay Senate President Richard Gordon, na gawing isang progresibong tourist destination angLanao del Sur.
Kaya kailangang mapabilis ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pag-aaral at pag-aprub ang isang Bangsamoro Basic Law (BBL) para sa pagtatayo ng Bangsamoro homeland na nakasang-ayon sa mga layunin ng Moro Islamic Liberation Front(MILF) at iba pang mga stakeholder dahil kung may natitira pang isyu na hindi naging bahagi ng BBL, maaaring maging daan ito para sa muling pag-aaklas ng mga grupo roon.
Kailangang magkaroon ng pagkilala ang pamahalaan sa mga inhustisyang nangyari sa kasaysayan ng mga Muslim, katulad ng mga massacre na hindi alam ng nakararaming Pilipino.
Kailangan ding pagbuhusan ng pamahalaan ang lugar ng malaking badyet upang mapabilis ang pag-unlad at pag-usad ng mga planong pang-ekonomiya at mabigyan ng trabaho at oportunidad ang mga Muslim, lalung-lalo na ang mga kabataan.
Bukod pa sa mga nabanggit, kailangan ding paigtingin ang mga serbisyong-panlipunan, lalung-lalona sa kalusugan, kasama na ang libreng pagpapagamot.
Kung kailangan ding palawakin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program para sa mas nakararaming mahihirap na Muslim, gawin itong pamahalaan nang magkaroon ang mga Muslim ng karagdagang kapangyarihang pang-ekonomiko at maitaguyodang kanilang mgapamilya.
Kailangan ding bigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Muslim na magkaroon ng magandang edukasyon. Kung kinakailangang sustentuhan ang edukasyon ng mga kabataan doon ay dapat itong gawin ng pamahalaan.
Kailangang magtulungan ang pamahalaan at mga gurong Islam kung papaano mapipigilan ang paglaganap ng radikal na mga pagtuturo mula sa unang edukasyon ng mga kabataan sa Madrasah hanggang sa paglaki ng mga kabataang mag-aaral.
Kailangan din ang pakikipagugnayan sa mga religious leaders para maging aktibo ang mga ito sapag-gabay ng kanilang mga komunidad kung paano solusyunan ang problema ng ektremismo sa kanilang mga lugar.
Bukod pa rito, kailangan ding isama sa edukasyon ng mga Pilipino ang mga kaalaman tungkol sa kultura ng mga Muslim at iba pang indigenous people nang mawala ang pagkakabaha-bahagi, mawala ang diskriminasyon, magkaroon ng respeto sa isa’tisa, nang sa gayo’y magkaroon ng pag-unlad sa hinaharap.
Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang problemang paglaganap ng kalakalan ng droga at armas sa Mindanao,na isang dahilan kung bakit nakakikilos ang mga grupo tulad ng ASG, wakasan na ang narco-politicians, political dynasties at kurapsiyon upang sa gayon ay mahigpitan ang seguridad at magkaroon ng tunay na pamamahalaang local na pamahalaan doon.
Higit sa lahat, mahalagang ang lahat ng ito ay ipaloob sa isang “framework” na naaayon sa paniniwalang Islam nang magkaroon ng tunay na kahulugan at epekto ito para sa mga Muslim.
Kung magagawa ang lahat ng ito ng Pamahalaang Duterte at ng susunod na mga administrasyon,makaaasa tayong may makikita na tayo ng bahagyang pagbabago sa Mindanao sa loob ng 30 – 50 taon.