NI: MJ MONDEJAR
Nabalot ng mga kontrobersiya at malalaking pangyayari ang unang taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang na dito ang mga kasong napagdesisyunan, mga personalidad na naipakulong at mga kontrobersiyang napagdaanan ng hudikatura bilang co-equal branch ng pangulo sa pamahalaan.
Ating silipin sa report na ito kung ano nga na ngaba ang nagawa ng judiciary sa unang taon ng Duterte Administration.
Una, sa Department of Justice, na pimumunuan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III, isa sa mga nagtatag sa Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee o MRRD-NECC na nag-organisa sa mga rally ng pangulo sa panahon ng kampanya.
Sa unang taon ni Aguirre sa puwesto, nasa 334,100 na mga criminal complaints ang naresolba mula sa 377,533 na mga kaso mula pa noong 2016.
Kasunod nito ay ang pagsasampa ng kaso sa 88 commanders at members ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Moro Islamic Liberation Front, at mga private armed groups na may kinalaman sa Mamasapano Massacre.
July 2016, pumalit ang nasa 300 miyembro ng Special Action Force (SAF) na magbantay sa National Bilibid Prison (NBP) matapos na isailalim ang mga ito sa re-training.
Nasa 26 naman na Oplan Galugad ang naisagawa sa loob ng Bilibid kung saan 11,462 na mga kontrabando ang nasabat sa mga inmates.
Taong 2016, anim na empleyado ng Bureau of Correction (BuCor) ang sinibak sa puwesto habang apat naman ang nasampahan ng reklamo at nahaharap sa criminal charges.
Nakapag award din ang BuCor sa ilalim ng DOJ ng nasa 20 inmates habang nasa 19 naman ang ginawaran ng partial commutation.
Sa termino din ng pangulo nasabat ang nasa 890 kilos na shabu na nagkakahalaga ng 6 billion pesos sa San Juan City kung saan naaresto din sampung miyembro ng Red Dragons.
At ang pagpapanatili sa magandang rekord nito sa pagresponde sa mga kaso ng human trafficking sa bansa o ang ranggong Tier 1 na ibinigay ng United States Trafficking in Persons Report na nangangahulugan na tinutugunan ng gobyerno ang problema ng human trafficking na itinakda ng US Trafficking Victims Prevention Act of 2000.
Ito na ang ikalawang sunod na taon na naabot ng Pilipinas ang ranggong Tier 1 sa United States Trafficking in Persons Report na nangangahulugan na tinutugunan ng gobyerno ang problema ng human trafficking at nakakatalima ang bansa sa minimum requirement na itinakda ng US Trafficking Victims Prevention Act of 2000.
Subalit, tila naging kontrobersyal ang pangalan ni Secretary Aguirre dahil kamakailan ay nasampahan ito ng kaso Ombudsman dahil raw sa pagpapakalat nito ng maling impormasyon sa publiko.
Naniniwala ang grupo ng mga complainant na nilabag ng kalihim ang nilalaman ng Republic Act 6714 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials dahil sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon sa publiko.
Sa Korte Suprema naman, gumulantang sa mga Pilipino ang pagdadawit ng pangulo ng nasa 40 judge sa buong bansa na umano sangkot sa illegal drug trade at kabilang sa kaniyang drug list.
Ang kontrobersyal na pagpabor ng Sc sa Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani at ang pagdulog ni senador de Lima sa Sc para mapigilan sana ang pagpapaaresto sa kanya dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na kalauna’y wala namang nagawa.
At ang pinakahuli, ang pagpabor ng SC sa martial law declaration ng pangulo sa Mindanao na aniya’y may sufficient factual basis.
Nabatid na sa kabuuan, ay labing apat na mga mahistrado ang bumoto pabor sa martial law sa Mindanao – tatlo ang gusto na ipatupad ito sa mga lugar lamang na may insurgency habang isa naman ang hindi pumabor.
Sa ngayon naman ay tumatayo ang Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal o PET sa electoral protest na inihain ng kampo ni dating senador Bong-Bong Marcos laban kay VP Leni Robredo.
Sa Court of Appeals naman, tila nagulantang naman ang bansa sa naging pag abswelto ng Court of Appeals sa tinaguriang mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
May 8, 2017, nang pumutok ang balita ng inilabas ng Court of Appeals ang 35 limang pahinang resolusyon na may petsang may 5,2017 na nag- aabswelto kay Napoles sa kasong serious illegal detention na isinampa ng dating nitong aide na si Benhur Luy.
Lumabas din ang mga espekulasyon na maaring gawing state witness si Napoles at ang posibilidad na muling buksan ang PDAF cases na magsisiwalat sa ibang opisyal at iba pang personsalidad na nakinabang sa maling paggasta sa pondo ng bayan.
At pinakahuli naman ay ang banggaan ng CA at ng kamara kaugnay sa isyu ng Ilocos at umanoy maanomalyang pagamit ng Ilocos Norte government sa kanilang tobacco excise tax.
Ang istorya ng Ilocos Six ay nagsimula ng iditine ang mga ito sa kamara matapos pumalag si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel sa aniya’y pagiging uncooperative ng mga ito sa imbestigasyon ng kamara sa iregularidad sa paggamit ng Ilocos Norte government ng tobacco excise funds.
Mayo a-29 nang madetine sa kamara ang Ilocos 6 at hanggang sa ngayon ay hindi pa binibitawan ng kamara hangga’t hindi umaamin sa krimen.
Sa paparating na ikalawang taon ng pangulo, marami pang paparating na kaso ang pagdedesisyunan ng hudikatura, ang tanong? Sino-sino ang papalitan sa mga opisyal nito at ano ang mga susunod na hakbangin para mapanatili ang balanseng justice system sa bansa.