NI: POL MONTIBON
Ilalaban na sa Korte Suprema ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang kaso ng mga kawani nito na tinaguriang Ilocos 6 na pawang miyembro ng finance committee ng lalawigan ng Ilocos.
Ang Ilocos Six ay kasalukuyang naka-detine sa mababang kapulungan ng Kongreso matapos i-contempt noong Mayo.
Ayon kay Marcos, Dahil sa tagal nang pagkadetine ng buong miyembro ng finance committee ng lalawigan, ay apektado na ang serbisyo ng probinsya.
Ani Marcos, nagrereklamo na ang mga lokal na pulis dahil sa kakulangan ng suplay ng gasolina para sa kanilang sasakyan na ginagamit sa pagpapatrolya.
Ipinunto ni Marcos na pulitika lang ang rason ng pangangaladkad ng Kongreso subalit ang naiipit ay ang mga empleyado ng provincial government.
Inilahad ni Marcos na pinaatras aniya siya ni Cong. Rudy Fariñas sa pagkandidato sa 1st district ng lalawigan ng Ilocos para bigyang daan ang kandidatura ng anak ni Fariñas para sa tuloy tuloy na succession ng karera nito sa pulitika.
Mayo a-29 nang madetine sa Kamara ang tinaguriang Ilocos 6 dahil sa pagtanggi ng mga ito na sumagot sa tanong ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng P66.45-Million na pondo mula sa tobacco excise tax na ginamit pambili ng mga sasakyan ng provincial government.