PINAS

Kobe Paras, sasabak sa hamon ng Gilas Pilipinas

 NI: MAYNARD DELFIN

 

SA bagong yugto ng basketball career ni Kobe Paras, handa na ang 19-anyos na atleta na sumabak sa mas mataas na hamon bilang isa sa pinakabatang kasapi ng Gilas Pilipinas.

Simula sa edad na 15, naipamalas ng batang basketbolista ang kanyang angking galing at liksi na siyang naging sandata upang makamtan ang katanyagan at tiwala ng kanyang mga kapwa player, coaches, pamilya at maging fans.

Opisyal na siyang kasama sa cadet pool ng Gilas Pilipinas para kumatawan sa Pambansang Koponan ng bansa sa international tournaments tulad ng 2017 FIBA Asia Cup at Southeast Asian Games sa Agosto.

Sa buong buhay ng batang Paras, nakaranas na siya ng samu’t saring katanyagan at pagkilala. Sino ang ‘di nakakikilala sa kanyang bantog na ama na si Benjie Paras na minsa’y naging two-time MVP sa Philippine Basketball Association (PBA), naging aktor sa pelikula’t telebisyon at ngayo’y coach sa isang unibersidad? Ang kanyang nakatatandang kapatid ay namamayagpag din ang career sa showbiz.

Ang ‘Kobe’ ay nagmula sa pangalan ni Kobe Bryant na gamit ang jersey na may numerong 24. Kilala siya sa Pilipinas sa bansag na “Hoops Sensation” at “Wunderkid.”

 

HAMON NG GILAS PILIPINAS

Kabilang na sa national team ang 6’6″ guard-forward na si Kobe bilang ikatlong pinakabatang kasapi ng programa ng Gilas Pilipinas.

Nabanggit niya na nagagalak siyang mapabilang sa Gilas Pilipinas program. Mula pa sa kanyang pagkabata ay malaki na ang kanyang paghanga sa Gilas.

Ani Kobe, ilalaan niya umano sa koponan ang kanyang pagsisikap at pagpupursigi. Simula noong 15 taong gulang pa lamang siya ay sumasali na siya sa maraming patimpalak upang maipagmalaki ang Pilipinas. Ngayong siya ay 19 na, ramdam niyang handa na siya upang ipagbunyi ang lahing Pilipino sa mas mataas na antas.

  

UNANG HAKBANG SA TAGUMPAY

Nang tanggapin ni Kobe ang alok na maglaro para sa University of California, Los Angeles (UCLA) sa huling bahagi ng 2014, ito ang naging hudyat nang mas maningning at magandang karanasan para sa kanya.

Mas dumami ang kanyang mga tagahanga sa Pilipinas na sumubaybay sa pag-usbong ng kanyang karera sa amateur basketball. Marami ang nagnanais na makamtan niya ang personal na pangarap na maging unang Pilipino na makatuntong sa National Basketball Association (NBA).

Subalit ang kanyang paglalakbay sa US NCAA ay hindi naging madali. Umalis siya sa UCLA dahil sa kabiguang matugunan ang ‘academic requirements.’ Ngunit alam ni Kobe na isa lamang itong hamon na dapat niyang lampasan.

Sa isang panayam sa Rappler, sinabi ni Kobe:

“In UCLA, it’s all about politics, nobody really knows the right or wrong answer, but honestly I just really don’t care. Everything happens for a reason. I’m a firm believer in that.”

Bago siya tumungo sa Amerika, si Kobe ay naglaro para sa La Salle Green Hills High School dito sa Pilipinas. Kalaunan ay nakuha siya ng Creighton University sa Nebraska noong nakaraang taon. Ginugol niya roon ang isang taon bago nalipat pabalik sa West Coast para makapaglaro sa California State University, Northridge.

“I got me into a position that I had to face adversity and I’m still facing adversity,” ani Kobe. “But at some point I just had to be a man about it and face adversity man-to-man.”

 

LABAN PARA SA BAYAN

Dumating sa bansa kamakailan ang batang cager para maghanda sa kanyang laban sa FIBA ​​3×3 World Cup sa France kasama sina Jeron Teng, Kiefer Ravena at JR Quinahan.

Naparangalan din si Kobe sa titulong two-time dunk champion ng FIBA ​​3×3 U18 World Cup.

Ayon pa sa basketbolista, malaki ang kanyang pasasalamat dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa kanya upang maiwagaygay at maipagmalaki ang talento ng mga Pilipino sa basketball. Nakatataba aniya ng puso na may mga taong naniniwala sa kanya at pinahahalagahan niya umano ang mga ito.