Sinampahan na ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking nagpapakalat ng pekeng impormasyon na may ilang account holder ang nagkaroon umano ng bilyong piso sa kanilang account dahil sa computer glitch ng Bank of the Philippine Islands (BPI) noong Hunyo.
Ayon sa NBI, umamin sa kanila ang suspek na si Daniel Angelo Salasalan na gawa-gawa lamang niya ang inap-load sa social media kaugnay sa 12-billion pesos na na-credit umano sa ilang mga account sa BPI.
Sinabi ni NBI-Cybercrime Division chief head agent Manuel Eduarte, ang suspek na si Salasalan ay nahaharap sa kasong paglabag sa ilalim ng revised penal code at paglabag sa Cybercrime Prevention Act na tumutukoy sa online libel.
Una nang nilinaw ng BPI na peke ang mga dokumentong kumalat sa social media na nagpapakita na may ilan silang kliyente na nagkaroon ng 12-billion pesos na deposito sa kanilang account.