NI: Shane Elaiza Asidao
Sa panahon ngayon, marami na ang paraan upang makakuha ng mga magagandang babasahin. Kilala ang mga libro bilang isang klase ng transportasyon na dadalhin ka sa panahon na hindi ka pa nabubuhay, sa lugar na hindi mo pa nakikita o naiisip at makilala ang mga tao na mapagkukunan mo ng aral.
May kanya-kanya tayong binabasang mga akda. Depende ito sa kagustuhan natin o sa kung ano ang napapanahon. Subalit, ano nga ba ang mga libro na nararapat mong basahin bago mo lisanin ang mundong ibabaw?
Narito ang ilan sa mga piling akda na magbibigay sa iyo ng bagong pananaw sa buhay:
- The Little Prince ni Antoine de Saint-Exupéry
Ito ang pilosopikal na nobela na patungkol sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Kwento ng isang batang prinsipe na naglalakbay sa iba’t ibang Asteroids. Lumipas ang panahon, naging abala na siya sa pagtanda at nakalimutan ang dahilan kung paano mabuhay muli ng masaya.
- Metamorphosis ni Franz Kafka
Ang nobelang ito ay para sa mga napapagod na sa kapitalismo at sistema ng gobyerno sa maling pagpapatakbo sa lipunan. Isang umaga, nagising na lamang ang bida na nagbago ang kanyang anyo. Naging daan ito upang kamuhian siya ng kanyang pamilya. Ngunit, ano nga ba ang dahilan ng kanyang pagpapalit anyo? Ano ang mangyayari sa kanya sa dulo ng istorya?
- To kill a mockingbird ni Harper Lee
Ang mundo ngayon ay puno ng mga istoryang may halong kalungkutan, hinagpis o pag-asa. Ang libro na, ‘To kill a mockingbird’ ay isa sa hindi makakalimutang akda sa mundo. Naglalaman ito ng obserbasyon ng manunulat sa kanyang paligid. Ngunit, ang pinaka-mahalagang parte ng librong ito ang pagbibigay liwanag sa isyu ng diskriminasyon at abuso na kinahaharap ng mga kababaihan.
Kahit na gawang piksyon o imahinasyon lamang ng may-akda ang mga nasabing libro, hindi natin maitatanggi na naglalaman ito ng aral, mga pangyayari sa lipunan at isa rin itong daan upang maitama ang ating perspektibo sa buhay.