NI: ROMMEL PLACENTE
Para sa mga nagmamahal kay Luis o mas kilala sa palayaw na “Lucky,” talagang masuwerte nga siya sa buhay dahil bukod sa anak siya ng tinaguriang “Star for All Season” at Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto at beteranong actor na si Edu Manzano, may sarili siyang karera sa show business.
Pero sa kung anupaman ang puwedeng pag-usapan sa isang Luis, mas pinananabikan at inaabangan ng kanyang mga tagahanga ang kanyang buhay-pag-big.
Minsan ding naging masalimuot ang buhay-pag- ibig ng actor-TV host pero ni minsan, hindi naging hadlang ang kanyang mga pinagdaanan upang mas lalo naman niyang pag-igihin ang kanyang trabaho.
Masayang kasama si Jessy Matatandaang marami ang nanghinayang nang mauwi ulit sa paghihiwalay ang pangalawang beses nang relasyon nina Luis at Angel Locsin, lalung-lalo na ang kanilang mga tagahanga dahil umaasa ang mga ito na mauuwi na ang lahat sa kasalan.
Pareho mang hindi naging madali kina Luis at Angel ang kanilang paghihiwalay pero pareho rin nilang binuksan ang kanilang mga puso para sa bagong pag-ibig. Noong nakaraang buwan ay ipinagdiwang nina Luis at Jessy Mendiola ang kanilang unang taon bilang showbiz couple.
Si Angel naman ay napababalitang nakikipag-date na rin sa ex-boyfriend ni Bela Padilla na si Neil Arce.
Ayon pa kay Luis, sobrang happy siya na umabot ng isang taon ang relasyon nila ni Jessy at umaasa siyang magtatagal pa nang maraming taon ang kanilang pagmamahalan. “Happy na happy naman kami.
Walang problema at all. Siya na ‘yung babaeng sa tingin ko ay gusto kong makasama habambuhay,” pahayag ng actor.
Hindi rin niya itinangging napag-uusapan na nila ang kasal. “Our love story is very, very steady
but I’m not forgetting the fact that she’s only 24. So, para sa akin, I completely understand the fact that she still has so many responsibilities for herself, for her family. And I will never take that away from her. But when she’s ready, I’m definitely right by her side. Definitely taking our time,” aniya pa.
Sa ngayon, ikinatutuwa ni Luis na maganda ang relasyon ni Jessy sa kanyang pamilya, partikular na sa kanyang ina. Madalas daw dalhin ni Luis si Jessy sa kanilang bahay sa Batangas.
Pinagbintangang salawahan sa mga unang araw at buwan ng relasyon nila ni Jessy, nakatanggap siya ng panlalait sa kanyang mga basher.
‘Two-timer’ daw ang aktor dahil karelasyon pa raw niya noon si Angel pero dini-date na niya si Jessy. Mariin niya itong itinanggi. “To everyone asking or pretending to be detectives, I was already single, January of last year. I started courting Jessy nu’ng May of last year din, na hiwalay na kami ni Angel. Naging kami ni Jessy, December of last year din. So, that’s crystal clear. Walang overlapping na nangyari,” paliwanag niya.
Paano niya hina-handle ang kanyang bashers?
“Lumalaban ako sa bashers para ipakita na hindi lahat ng tao biktima, plus masama talaga ugali ko. Ha-ha!”natatawang sagot ni Luis. Aniya, Kung pumapatol man siya sa kanyang bashers, gusto lang niyang bigyan ng leksiyon ang mga ito, lalo na kung hindi naman daw totoo ang mga sinasabi tungkol sa kanya.
Pero ipinagmalaki niyang may ibang bashers siyang humingi ng tawad sa kanya at naging kaibigan pagkatapos nilang magsagutan. Binigyang-diin ni Luis na kahit marami siyang pinagdaanan sa buhay, wala naman siyang mga naging desisyong pinagsisihan sabandang huli.
“Sa lahat ng mga naging desisyon ko sa buhay, pinaninindigan ko, whether sa tingin ng iba ay tama ‘yun o mali. Wala akong pinagsisisihan. I’m supposed to be where I’m now,” aniya pa. Sobrang busy si Luis sa kanyang career bilang isang TV host at pagiging host din sa corporate shows, kaya kung wala umano siyang showbiz commitment ay gumagala siya sa mga paboritong lugar na madalas niyang pinupuntahan.
“Nagpupunta ako sa Anilao Batangas and Boracay, with Jessy and my barkadas. Basta may oras, dive agad,” ani Luis. Diving ba ang nakapagre-relax sa kanya?
“Definitely, yes!” sagot ni Luis. Hindi iiwan ang show business .
Matagal na si Luis sa industriyang kinabibilangan, kaya wala umano siyang balak na talikuran ito. “So far, wala pang desisyon na iwan ang showbiz. Happy na happy pa,” wika niya.
Samantala, sa mga hindi nakaaalam, hindi lang ang showbiz ang pinagkakakitaan ni Luis, may taxi business din siya, ang LBR Taxi. Business partners niya sa nasabing negosyo ay ang dalawa niyang kaklase noong college na sina Bong at Ron.
Ang LBR ay kuha mula sa first initials ng kani-kanilang mga pangalan.
Masaya niyang ibinalita na successful ang kanilang negosyo kahit marami silang kakompitensiya.
“So far, okey naman itong taxi business namin, kumikita naman kami kahit na maraming kakompitensiya. Ang daming taxi ngayon, plus may Grab at Uber na rin ngayon,” pahayag niya.
Sa lahat ng laro ng buhay, wala sa bokabularyo ng isang “Lucky” ang sumuko.