SA pamamagitan ng teknolohiya, maaari ka nang maging buhay na saksi sa mga huling sandali ni Dr. Jose Rizal.
Bagama’t si Rizal ay binaril at namatay mahigit isang siglo na ang nakararaan, may pagkakataon ka nang makapunta sa Bagumbayan at makita nang personal ang makasaysayang pangyayari.
Inilunsad ng Ayala Museum nitong huling linggo ng nakaraang buwan sa Lunsod ng Makati ang eksibit na tinaguriang “Experience the Future of History: The Execution of Jose Rizal in 360 Virtual Reality.”
“Bilang isang pangunahing Pambansang Bayani ng Pilipinas, si Rizal ay maaaring ituring na ‘Ama ng Bansa’ at ‘Lolo’ ng bawat Pilipino. Ang kanyang kabayanihan ay makabuluhan kaya’t dapat itong ituro sa bawat paaralan at maranasan ng lahat,” ani Prop. Ambeth Ocampo, isang dalubhasang historyador at ekspertong kinonsulta ukol sa eksibit.
Sa pamamagitan ng tinatawag na Google Cardboard Virtual Reality Headset, magkakaroon ang gagamit nito ng kakayahang makita sa tatlong dimensiyon (3D) ang kapaligiran sa Bagumbayan, kung saan ay binaril ang nasabing bayani.
VR Headset
Kapag ginamit ang naturang “VR Headset,” maaaring lumingon sa paligid at makita’t marinig ang mga pag-uusap ng mga tao, ang mga kilos ng ‘firing squad’ at iba pang mga naganap noong araw ng kamatayan ni Dr. Rizal.
Sa katunayan, sa paggamit ng headset maaaring piliin ang karanasan o ‘scenario’ na nais maranasan katulad ng pagiging bahagi ng madlang sumaksi sa pagbaril sa bayani, isa sa mga sundalo sa ‘firing squad’ o di-kaya’y maging si Rizal mismo.
Ang ‘virtual reality’ ay isang teknolohiya, na kung saan ay pinagsasanib ang mga pisikal na espasyo o lugar upang makalikha ng makatotohanang mga imahe, tunog at iba pang karanasang wari’y aktuwal na nagaganap.
Sinabi ng mga nakagamit ng headset, mistulang totoong naroroon ang isang tao sa Bagumbayan dahil maaari kang tumingin pataas, pababa at paikot upang makita ang lahat ng nangyayari sa mga huling oras ng buhay ni Rizal.
Ayon sa mga nagdisenyo ng teknolohiya, may mga katanungang ihahatid para sa bawat eksena o ‘scenario’ gaya ng:
“Bilang saksi sa pagbaril kay Rizal, panonoorin mo ba ito hanggang sa huling yugto?”
“Kung isa ka sa mga sundalo, kakalabitin mo ba ang gatilyo para barilin si Rizal?”
“Kung ikaw si Rizal, iisipin mo ba na may kabuluhan ang iyong pag-aalay ng buhay para sa bayan?”
Ayon sa Ayala Museum, hangad ng eksibit na pumukaw sa damdamin ng mga Pilipino ukol sa kabayanihan ni Rizal at gamitin ang teknolohiya upang magsimula ng kritikal na pag-iisip (critical thinking) tungkol sa iba’t ibang aspekto at konteksto ng kasaysayan.
Ang eksibit ay bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Rizal na ginugunita ngayong 2017.
Ang paglilitis at kamatayan ni Rizal
Si Dr. Jose Rizal ay binaril at namatay sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896 (dati’y tinaguriang Luneta at ngayo’y tinatawag na Rizal Park sa Lunsod ng Maynila), ayon sa hatol ng mga Espanyol. Siya ay nilitis sa pamamagitan ng isang ‘court martial’ bagama’t isa siyang sibilyan at hinatulan ng kamatayan dahil sa salang rebelyon, sedisyon, at iligal na pakikisama sa mga kaaway ng pamahalaang kolonyal. Ang kanyang ‘huwad’ na paglilitis ay tumagal lamang ng limang araw.
Ayon sa mga historyador at mananaliksik ukol kay Rizal, ang mga Pilipinong sundalong bumaril sa bayani ay napilitan lamang sapagkat may isang linya ng sundalong Espanyol na tumayo sa kanilang likuran. Sinabi ng mga historyador na may bantang pagpatay sa mga sundalong Pilipino kung sakaling hindi nila barilin si Rizal.
Sinasabing sinukat ng isang duktor na Espanyol ang presyon ni Rizal bago siya barilin at ikinagulat na normal ang kanyang pulso, isang senyales na panatag at buo ang loob ng bayani sa harap ng kanyang napipintong kamatayan.
Namatay si Rizal sa edad na 35 at iniwan ang kanyang biyudang si Josephine Bracken na isang banyagang mula sa Amerika.
Ang mga nobela ni Rizal na pinamagatang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ay nagsiwalat ng mga kalabisan ng kolonyal na pamahalaan noong panahong iyon. Ang mga aklat din ang nagsilbing inspirasyon ng mga rebolusyonaryong lumaban sa Espanya, na siya namang naging bahagi ng umano’y krimeng ipinaratang kay Rizal.
Bago siya binaril, may sulat na ginawa si Rizal, kung saan niya mariing itinanggi ang pagkakasangkot sa anumang rebelyon laban sa Espanya. Sa katunayan, si Rizal ay dinakip samantalang patungong Cuba bilang isang boluntaryong duktor na tutulong sa mga sundalong Espanyol doon.
Iba pang mga eksibit ng Ayala Museum
Ang ilan pa sa mga permanenteng eksibit na matatagpuan sa museo ay ang mga sumusunod:
Gold of Ancestors: Pre-Colonial Treasures in the Philippines (Ang Ginto ng mga Ninuno: Kayamanan ng Pilipinas bago ang pagdating ng mga Kolonista) — Isang eksibit na nagpapakita ng nasa mahigit 1,000 ginintuang mga alahas, muwebles, at ibang kagamitang ginamit ng mga sinaunang naninirahan sa bansa bago pa man dumating ang mga Espanyol noong 1521. Makikita rin sa eksibit na ito ang mga seramiko mula sa Tsina noong ika-13 siglo.
The Diorama Experience (Ang Karanasang Diorama) — Ang eksibit na nagpapakita ng iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga makatotohanang manika at kapaligiran. Ang mga manika o imahe ay inukit ng mga batikang manlililok ng Paete, Laguna at naging paborito ng mga bisita ng museo mula pa noong 1973.
Mahigit 60 kaganapan sa kasaysayan ang matutunghayan sa diorama kasama ang pamumuhay ng mga ninuno bago ang pagdating ng mga Espanyol; ang mga Digmaan laban sa mga Espanyol at Amerikano, Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Pagkakamit ng Kasarinlan ng Pilipinas noong 1946, Panahon ng Batas-Militar at ang EDSA People Power Revolution.
Maritime Vessels (Mga Sasakyang Pangkaragatan) — Isang eksibit na ipinakikita ang iba’t ibang sasakyang pandagat mula noong 6000-500 B.C., ang mga ‘Chinese Junk’ o barkong Tsino, mga sasakyang pandagat mula sa Arabia at iba’t ibang malalaking barkong ginamit sa tinaguriang “Manila-Acapulco Galleon Trade.”
Ang “Experience the Future of History: The Execution of Jose Rizal in 360 Virtual Reality” at iba pang eksibit ay matatagpuan sa Ayala Museum, Makati Avenue cor. Dela Rosa St., Legaspi Village, Makati City. Bukas sa publiko ang mga eksibit mula Martes hanggang Linggo, 9:00 a.m. – 6:00 p.m.
Ang tiket upang makita ang lahat ng mga eksibit sa Ayala Museum ay P225 para sa lahat ng Pilipino at banyagang may patunay na ligal nang naninirahan sa Pilipinas at P425 naman para sa mga banyaga at hindi residente.
Mayroon ding dagdag na discount sa senior citizens, mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs), guro at mga estudyante.