PINAS

Martyrdom, layunin ng Maute

NAGULAT umano ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa istilo ng pakikipaglaban ng grupong Maute sa pamahalaan.

Ayon pa sa grupong may 40-taong kasaysayan na sa pakikibaka laban sa gobyerno ng Pilipinas para sa karapatan ng mga Muslim na pamahalaan ang sarili (self-governance), hindi umano naaayon sa taktika ng ‘guerilla warfare’ ang ginagawa ng Maute group na halos hindi umuurong sa kanilang kinatatayuang lugar katulad ng nangyayari ngayon sa Marawi.

Kaya ayon sa kanilang analisis, alam na ng mga Maute sa simula pa lang na hindi sila magtatagumpay laban sa mas malaki at mas malakas na puwersang militar at ang hangad nilang sakupin ang Marawi at itayo roon ang Islamic State ay ‘nasa isip’ lamang nila at malayo sa katotohanan.

“(It is) more in the mind rather than an immediate possibility,” ayon pa sa MILF, na winika pang ang maaaring pakay umano ng mga ito ay ang ‘martyrdom’ — ang kahandaang mamatay para sa kanilang paniniwala.

“It is their belief or obsession that martyrdom brings them direct to heaven,” pahayag pa ng MILF.

Ayon kay Victor Taylor, sa kanyang artikulong lumabas kamakailan sa isang pahayagan sa Mindanao, sinabi niyang nasa ‘kaibuturan’ ng bawat ekstremistang Muslim ang konsepto ng Jihad fi-Sabilillah o ang kahandaan at pananabik na ‘mamatay sa serbisyo o sa daan ni Allah.’

Sa kultura ng mga Tausug, may paniniwala ring tinatawag na ‘parang sybil’ o ang pag-aalay ng sarili para sa pagkakakilanlang kultural at pagkakakilanlan ng angkan at tribung nasa puso ng bawat mandirigmang Tausug.

Kaya hindi na bago sa pag-iisip ng mga Moro ang konseptong kung ikaw ay magiging isang martir ay mapalalapit ka sa Diyos.

KAHALAGAHAN NG MGA ANGKAN

Samantalang isinusulat ang lathalaing ito, ibinalita ring hindi na aabot pa sa 80 ang mga miyembro ng Maute group na natitira sa loob ng Marawi. At kung titingnan ang nakaraang mga linggo ng bakbakan, makikitang walang balak sumuko ang mga ito dahil alam nilang kamatayan ang kahahantungan nila sa huli.

Una nang napabalitang magkakamag-anak ang sangkot sa kaguluhan sa Marawi, ang buong Pamilya Maute — mula sa ama, ina, mga kapatid at magpipinsan. Kung tuluyan ngang masusugpo ang Maute group, isang buong lahi o angkan ang maaaring maubos.

Hindi na rin ito nakagugulat dahil ayon pa rin sa artikulong inilabas ni Victor Taylor, mahalaga ang angkan o ang ‘clan ties’ sa lipunan ng mga Muslim. At lalo pa itong nagiging mahalaga sa sosyedad, kung saan ay walang matatag na pamahalaang nagpapatupad ng batas o nagbibigay nang sapat na serbisyong panlipunan.

Sa ganitong mga lipunan, ani Taylor, ang mga angkan at alyansa ng mga angkan na ang namumuno at nagiging awtoridad para sa mga Muslim dahil walang magagawa ang mga ito, kundi tulungan ang kanilang mga sarili.

“In such societies where the state is weak, decision-making and enforcement become more decentralized and the provision of security is based mainly on self-help,” paglalahad pa ni Taylor sa kanyang akda. “Clan ties and alliances (become) the heart of all concerns in these societies.”

Sa kanilang mga angkan tatakbo ang mga Moro kung kailangan nila ng tulong sa pagtatanim, pag-aani, kalutasan ng kanilang problema, sa mga pamamagitan kung may mga ‘di pagkakaunawaan at maging sa pagwawasto ng mga karaingan at paghihiganti para sa mga pinsalang naranasan.

Sa angkan at lider ng angkan o sa isa na may kalidad ng isang lider ibinibigay ng mga Moro ang kanilang utang na loob dahil sa tulong na natanggap.

Sa mga Tausug, anang mayakda, may tinatawag pa na buddi o ang ‘debt of gratitude,’ kung saan ang isang nakatanggap ng malaking pabor ay makararamdam nang malalim na obligasyong ibalik ang pabor sa pamamagitan ng serbisyo, regalong materyal, sentimyento o ‘personal loyalty.’

Sa katunayan, ayon pa rin kay Taylor, “The various ASG bands are centered around clan or kinship ties as well.”

Magkakamag-anak ang mga magkakasama sa iba’t ibang grupo ng Abu Sayyaf (ASG), ang mga miyembro nito, mga kaanak ng liderato, kung kanino nila ibinigay ang kanilang katapatan.

Batay pa sa ulat ni Taylor, mas mahalaga pa ang ‘personal loyalty’ sa pagitan ng lider at kanyang mga miyembro kaysa sa layunin mismo ng grupo.

Sa grupo ni Radulan Sahiron ng ASG halimbawa, sinasabing hindi nito pinapapasok ang mga ‘outsider,’ kundi lahat ng nasa kanyang pangkat ay kanyang mga kamaganak sa dugo o apilyasyon.

Ayon pa rin sa akda ni Taylor, “The group of Hatib Hajan Sawadjaan, which has been responsible for some of the horrific beheadings, is likewise made up of close relatives. The sub-leaders under Hatib Hajan, Almunjir Yadah and his half-brother Ben Tatuh – the actual executioner of the Canadians John Ridsdel and Robert Hall — are Hatib Hajan’s nephews.”

Kaya kung magiging radikal ang isang malakas na lider, tiyak na susunod sa kanya ang kanyang mga kamag-anak at kaangkan.

Sinasabi ni Samira Gutoc, isang dating miyembro ng Bangsamoro Consultative Committee ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang ulat para sa Center for Islamic Studies ng Oxford University, na hindi na nakagugulat sa mga grupo ng mga radikal, na magkakasamang susuko ang mga lider at mga miyembro — magkakasama hanggang sa kulungan o kamatayan.

MAGKAKASAMA SA TRIBO

May bahagi rin ang etnismo ng mga Muslim sa pagunawa kung paano lumalaganap ang mga grupong katulad ng Maute at Abu Sayyaf, ayon kay Gutoc.

Bagama’t sampung porsiyento lamang ang mga Muslim sa kabuuang populasyon ng Pilipinas, mayroon itong 13 ethnic-linguistic groups na tila rin mga ‘banyaga’ sa isa’t isa dahil may kani-kaniyang lengguwahe at pag-uugali ang mga ito.

“Even today,” ayon pa kay Gutoc, “a Maranao, a fellow Muslim Filipino, is as foreign and frightening to a Sama as is a Christian Filipino.”

Ang kinabibilangang tribu o ‘ethnic group’ din umano ang nagiging basehan ng apilyasyon ng mga rebeldeng grupo.

“The Abu Sayyaf are concentrated in the islands of Sulu and Basilan… all Tausug-speaking and of Tausug and Yakan ethnic groupings,” pahayag ni Gutoc. “MNLF Misuari is sometimes considered Tausug… the MILF, despite their efforts to deemphasize ethnic identities, is universally associated with the Maguindanaos… another group that broke away earlier was the MNLF-Reformist associated with the Maranaos.”

Kaya kahit sa kalagitnaan ng digmaan, mas pipiliin pa umano ng isang Maguindanao ang makipaglaban sa tabi ng kapwa Maguindanao kaysa sa tabi ng isang Tausug o Maranao.

Kaya di-tulad ng mga Kristiyano, kung saan ang personal lamang na paniniwalaang kailangan ng isang tao para sumanib sa isang grupo o pakay, sa mga Moro ay iba; may impluwensiya ang pagkakakilanlan ng angkan, tribo at utang na loob sa paghubog ng kanilang mga paniniwala.

KONSEPTO NG ‘BLOOD FEUD’

“A contributory factor as well in fueling hatred among the ASG bands is the matter of revenge,” salaysay pa ni Taylor, lalo na umano sa mga mas nakababatang sundalong ASG dahil sa kultura ng mga Moro, pangkaraniwan ang konsepto ng paghihiganti — “Blood is settled with blood.”

Kaya kung papatayin ng isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP)ang isang ASG, maaaring pumalit sa kanyaang kanyang kaanak upang ipaghiganti ang kanyang kamatayan.

May tinatawag din samga Muslim na mga anakilu. Ito ang mga na ulilang anak ng mga mandirigmang ASG o MILF na naisipaghiganti ang kamatayan ng kanilang mga magulang.

Kaya nagkakaroon lamang ng ‘cycle of revenge’ ang digmaan sa pagitan ng AFP at mga ASG at katulad na mga grupo.

Tama nga si Samira Gutoc nang sinabi niyang, “Hindi dapat aksiyong-militar lang ang gamitin ng pamahalaan sa paglutas ng problema sa Mindanao”dahil sa kalaunan ay pinalalala lang nito ang kultura ng karahasan sa rehiyon.

Hindi na kabilang dito ang MILF dahil lumagda nang kasunduang pangkapayapaan ang grupo sa Republika ng Pilipinas noong taong 2014 at nagkaharap nang binuo ang bagong Bangsamoro Basic Law (BBL) nanalalapit nang talakayin sa Kongreso sa pagbubukas nito ngayong Hulyo.