NI: Shane Elaiza Asidao
Ang internet ay isang channel kung saan mo makikita ang iba’t ibang klase ng social networking sites gaya ng Tumblr, Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba. Sa panahon ngayon, marami na ang nahuhumaling sa paggamit ng mga ito.
Sa nakaraang datos na nilabas ng Hootsuite at We Are Social Ltd., isang social media management platform, Plipinas ang may pinaka mataas na bilang na oras sa paggamit ng internet.
Nakakaaliw man ang paggamit nito, mayroon din mga ilang masamang epekto ang palagiang pag-access sa social media.
Ayon sa mga eksperto, nakaka-apekto ang madalas na internet access sa kalusugan ng ating utak. Nagdudulot ito ng “sleep deprivation” o dahilan upang hindi tayo makatulog sa gabi. Sa kabilang banda, nagiging dahilan din ito sa pagkakaroon natin ng maikling pasensya o pokus sa isang bagay.
Ayon sa artikel ng Forbes, ang pagbababad sa internet ay nakakapagdulot ng adiksyon. Nakaka-apekto ito sa iyong personal pakikipagtalastasan o sa iyong relasyon dahil mas maraming oras ang nasasayang ng isang indibidwal sa paggamit ng social media.
Masaya man o nakakadulot ng aliw ang araw-araw na pag-access sa internet, hindi pa rin maganda na mauubos ang oras mo dito. Higit sa lahat, mas maigi pa rin ang personal na interaksyon sa kapwa dahil daan ito upang siya ay mas higit mong makilala at makita ang kanyang tunay na emosyon, ugali at kilos.